MANILA, Philippines – Sumuko na sa pulisya ang 36-anyos na lalaki na suspek sa paglaslas sa leeg at pagdukot sa kanyang 31-anyos na pinsang babae matapos umanong tumanggi itong makipagtalik kapalit ng ₱200,000 na uutangin sa Pulilan, Bulacan.
Ayon sa Pulilan Municipal Police Station, sumuko ang suspek noong Nobyembre 7 matapos ang pakikipag-ugnayan ng mga awtoridad sa kanyang pamilya.
Naganap ang insidente noong Nobyembre 5 sa parking lot ng isang mall sa Pulilan, kung saan nakipagkita ang biktima sa suspek upang manghiram ng pera.
Batay sa imbestigasyon, hiniling umano ng lalaki na makipagtalik muna ang biktima bago nito ipahiram ang pera.
Nang tumanggi ang babae, nauwi sa komprontasyon ang kanilang pag-uusap hanggang sa laslasin umano ng suspek ang leeg nito.
Ayon kay Pulilan Police OIC Lt. Col. Eric Cister, nagtamo ang biktima ng sugat sa leeg na kinailangang tahiin nang hindi bababa sa 15 beses.
Nang mapansin ng isang security guard ang kaguluhan, pinaharurot umano ng suspek ang sasakyan habang kasama ang sugatang biktima.
Nakarating ang dalawa sa Kennon Road sa Baguio City, kung saan naubusan ng gasolina ang kanilang sasakyan.
Nagawa namang makatakas ng babae at humingi ng tulong nang umalis ang suspek upang maghanap ng gasolina.
Agad na nakipag-ugnayan ang Baguio City Police sa mga awtoridad sa Pulilan upang matunton ang lalaki.
Ayon sa pulisya, nahaharap ang suspek sa mga kasong frustrated murder, acts of lasciviousness at abduction.
Tumanggi naman umano itong magbigay ng pahayag kaugnay ng insidente.
Ligtas na ang biktima at nakalabas na sa ospital. Humiling din ito ng privacy habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Mary Anne Sapico