Home HOME BANNER STORY Trust, performance ratings ni Marcos, bumulusok pa –  survey

Trust, performance ratings ni Marcos, bumulusok pa –  survey

5
0

MANILA, Philippines — Bumagsak sa pinakamababang antas mula 2022 ang trust at performance ratings ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pinakahuling Tugon ng Masa survey ng OCTA Research na inilabas nitong Miyerkules, Nobyembre 11.

Batay sa survey, bumaba sa 45% ang trust rating ng Pangulo noong Setyembre mula sa 49% noong Hulyo, habang tumaas sa 36% mula 32% ang bilang ng mga respondent na walang tiwala sa kanya.

Bumaba rin sa 44% mula 47% ang satisfaction rating sa kanyang pagganap, habang umakyat sa 36% mula 33% ang mga hindi nasisiyahan.

Ayon sa OCTA, ikalawang magkasunod na survey round na bumaba ang parehong ratings ng Pangulo matapos ang pansamantalang pagtaas noong Marso 2026.

Pinakamababa ang kanyang trust rating sa Mindanao sa 28%, habang nananatiling mayorya ang nagtitiwala sa kanya sa Balance Luzon sa 54%.

Samantala, halos walang pagbabago sa ratings ni Vice President Sara Duterte.

Bahagyang tumaas sa 48% mula 47% ang kanyang trust rating, habang umakyat sa 46% mula 45% ang satisfaction rating.

Nilinaw ng OCTA na ang tig-isang puntos na pagtaas ay saklaw ng margin of error at hindi pa maituturing na pagbawi mula sa naunang pagbaba ng kanyang ratings.

Nananatiling pinakamataas ang tiwala kay Duterte sa Mindanao sa 94%, kasunod ang Visayas sa 66%.

Sa reaksyon ng Malacañang, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na hindi lubusang naipapakita ng survey ang mga nagawa ng administrasyon.

Binanggit ni Castro ang mga benepisyaryo ng zero-balance billing sa mga ospital at Walang Gutom Program na posibleng hindi nakabilang sa mga nakapanayam.

Tiniyak niyang magpapatuloy sa pagtatrabaho ang Pangulo sa kabila ng pagbaba ng ratings.

Isinagawa ang non-commissioned survey mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 4, 2026 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adult Filipino.

Mayroon itong ±3 percentage points na margin of error sa 95% confidence level. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here