MANILA, Philippines – Posibleng kumita ng hanggang P8 kada kilo ang mga magsasaka kasunod ng pagtaas ng buying price ng palay ng National Food Authority (NFA) sa P30 kada kilo.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, nasa P16 hanggang P17 kada kilo ang tinatayang production cost ng mga magsasaka kaya maaari silang kumita ng P7 hanggang P8 kada kilo kung maayos nilang mapatutuyo ang kanilang ani.
Itinakda ng NFA sa P28 hanggang P30 kada kilo ang buying price para sa malinis at tuyong palay.
Itinaas din ng ahensya sa 500 sako kada cropping season ang maaaring bilhing palay mula sa bawat indibidwal na magsasaka, mula sa dating limitasyong 200 sako.
Aminado si Lacson na malaki ang gastos sa produksyon, ngunit sinabi niyang makakabawi pa rin ang mga magsasaka sa presyong ibinibigay ng NFA, hangga’t hindi masyadong bumababa ang kanilang production volume.
Sinabi rin ng NFA na mas malaki ang direktang epekto ng procurement program nito kung makakabili ang ahensya ng hindi bababa sa 10 porsiyento hanggang 20 porsiyento ng kabuuang ani ng palay sa bansa.
Sa kasalukuyan, nasa lima porsiyento pababa lamang umano ang nabibili ng NFA, kaya tatlo hanggang limang porsiyento lamang ng mga magsasaka ang direktang nakikinabang sa programa. RNT/MDS