RIZAL, Philippines – Hinikayat ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga estudyante na magsikap sa pag-aaral at ihanda ang sarili bilang mga susunod na lider ng bansa sa pamamahagi ng tulong sa 868 college students mula sa Angono at Binangonan, Rizal.
Isinagawa ang aktibidad sa Casimiro A. Ynares Auditorium sa Binangonan noong Martes, Nobyembre 10, kasama ang mga lokal na opisyal.
Binigyang-diin ni Go, adopted son ng CALABARZON, na dapat sulitin ng mga estudyante ang pagkakataong makapag-aral, magsikap na makamit ang kahusayan at gamitin ang kanilang kaalaman at kakayahan sa paglilingkod sa komunidad at bansa.

“Nakikita ko sa inyo ang anak ko. Mag-aaral kayo ng mabuti at kayo ang kinabukasan ng bayang ito. Malay ninyo, magiging senador din kayo, congressman, or maging mayor po kayo. Mahal po natin ang ating kapwa Pilipino. Pero unahin niyo muna ngayon ang pag-aaral,” aniya.
Nagpasalamat din ang senador sa mga taga-Binangonan sa patuloy na pagtitiwala at suporta sa kanya.
“Mga taga-Binangonan, Rizal. Ako po’y sinalubong ni Governor. Kanina may lumapit sa akin nagpapasalamat sa mga programa dito sa Rizal. Sabi ko, huwag magpasalamat sa akin. Ako po ang dapat magpasalamat sa inyo dahil binigyan niyo ako ng pagkakataon na makapagserbisyo sa inyo at ginawa niyo akong number one sa Binangonan,” aniya.
















