MANILA, Philippines – Walang kapangyarihan ang Commission on Elections (Comelec) na magtakda ng bagong petsa para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na dapat sana ay ginanap noong Nobyembre 2 ngunit ipinagpaliban, ayon kay Chairman George Garcia nitong Huwebes.
Ito ay kasunod ng paghahain ni election lawyer Romulo Macalintal ng motion for partial reconsideration sa desisyon ng Supreme Court (SC) na nagpapatibay sa constitutionality ng Republic Act 12326. Pinalalawig ng batas sa limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at itinatakda sa Nobyembre 13, 2028 ang susunod na halalan.
Hiniling ni Macalintal sa SC na atasan ang Comelec na isagawa ang BSKE sa “pinaka maagang maisasagawa na petsa.”
Sinabi ni Garcia na kahit muling pag-aralan ng SC ang desisyon nito, hanggang sa orihinal na araw ng halalan sa Nobyembre 20 lamang maaaring magtakda ang Comelec ng bagong petsa ng botohan.
Ayon kay Garcia, nakatago at nasa safekeeping na ang mga election paraphernalia na inihanda para sa nakanselang halalan noong Nobyembre 2 at maaari pa ring gamitin sa susunod na BSKE.
Samantala, umabot na sa humigit-kumulang 80,000 ang nagparehistro sa unang dalawang araw ng voter registration sa buong bansa ngayong Nobyembre.
Mas mataas ito kumpara sa bilang ng mga nagparehistro sa unang dalawang araw ng nakaraang voter registration.
Target ng Comelec na makapagtala ng humigit-kumulang tatlong milyong bagong rehistradong botante bago matapos ang registration period sa Hulyo 30, 2027.
Gayunman, sinabi ni Garcia na posibleng malampasan ang target batay sa kasalukuyang bilis ng pagpaparehistro. Jocelyn Tabangcura-Domenden