MANILA, Philippines – Nagpahayag ng suporta ang Telecommunications and Broadcast Attorneys of the Philippines (TELEBAP) sa pagkakatalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Commission on Audit (COA) Chairperson Gamaliel A. Cordoba bilang bagong Associate Justice ng Supreme Court (SC).
Ayon sa TELEBAP, importanteng dagdag sa hudikatura ang pagkakatalaga kay Cordoba dahil sa lawak ng kanyang karanasan at kaalaman sa batas, partikular sa telecommunications at broadcasting.
Binigyang-diin ng grupo na bilang dating chairperson ng National Telecommunications Commission (NTC), taglay ni Cordoba ang malalim na kaalaman sa mga batas at regulasyong sumasaklaw sa kanilang industriya, gayundin sa mga kinakailangang reporma sa mga sektor na ito.
Sinabi rin nila na makatutulong ang kanyang karanasan bilang pinuno ng COA sa pagresolba ng mga usaping legal na may kinalaman sa pagpapatakbo ng pamahalaan.
Bago italaga sa Korte Suprema, pinamunuan ni Cordoba ang COA, kung saan nanguna siya sa malawakang fraud audit sa mga flood control project. Nakapagsumite ang ahensya ng hindi bababa sa 50 fraud audit reports sa Office of the Ombudsman at Independent Commission for Infrastructure.
Pinasimulan din niya ang paggamit ng GPS-based geotagging sa mga government infrastructure project sa buong bansa upang mas mapalakas ang monitoring at beripikasyon sa mga ito.
Sa international level, nagsilbi rin siyang external auditor ng International Labour Organization at World Trade Organization. Naging chairperson din siya ng ASEAN Supreme Audit Institutions noong 2024 at 2025.
Bago pamunuan ang COA, nagsilbi si Cordoba bilang commissioner ng NTC mula 2009 hanggang 2022, kaya siya ang pinakamatagal na nanungkulan sa posisyong ito. Sa kanyang termino, naging bahagi siya ng mga hakbang upang buksan ang telecommunications industry sa third major player at mapadali ang pagpasok ng satellite internet provider na Starlink sa Pilipinas.
Pinangunahan din niya ang mga hakbang laban sa text scams at online child sexual abuse materials.
Nagtapos si Cordoba ng Bachelor of Arts in Economics sa Ateneo de Manila University noong 1992 at nakakuha ng Juris Doctor degree sa parehong unibersidad noong 1996. Nakapasa siya sa Bar examinations noong 1997.
Bago pumasok sa serbisyo publiko noong 2001, nag-practice siya ng abogasya sa Siguion Reyna, Montecillo & Ongsiako at nagtrabaho bilang tax lawyer sa SyCip Gorres Velayo & Co.
Papalitan ni Cordoba si Associate Justice Amy Lazaro-Javier, na nakatakdang magretiro sa Nobyembre 16. RNT