Home NATIONWIDE Higit 5,800 magsasaka sa Caraga nakakuha na ng individual land titles

Higit 5,800 magsasaka sa Caraga nakakuha na ng individual land titles

2
0

MANILA, Philippines – Mahigit 5,800 agrarian reform beneficiaries (ARB) sa rehiyon ng Caraga ang nagkaroon ng ganap na indibidwal na pagmamay-ari sa mga lupang kanilang sinasaka matapos mamahagi ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng mga titulo noong Huwebes, Nobyembre 12.

Saklaw ng pamamahagi ang kabuuang 10,777.9566 ektarya ng lupa sa ilalim ng malawakang programa ng ahensya.

Pinakamarami sa mga benepisyaryo ang nagmula sa Agusan del Sur, kung saan 3,120 magsasaka ang tumanggap ng indibidwal na titulo para sa 6,101.1337 ektarya na binubuo ng 3,394 parsela ng lupa. Isinagawa ang pamamahagi sa J.P. Satorre Gymnasium sa bayan ng Buenavista, Agusan del Norte.

Ipinamahagi ang mga titulo sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project ng DAR, na naglalayong hatiin ang mga kolektibong Certificate of Land Ownership Award (CLOA) upang mabigyan ang bawat benepisyaryo ng sariling electronic title o e-title.

Layunin nitong matiyak ang malinaw at indibidwal na karapatan ng mga magsasaka sa mga lupang kanilang sinasaka.

Kasabay nito, namahagi rin ang DAR ng regular Land Acquisition and Distribution (LAD) titles na sumasaklaw sa 420.4129 ektarya ng lupa para sa 307 benepisyaryo mula sa Agusan del Norte, Agusan del Sur at Surigao del Sur.

Bukod sa mga titulo, nagkaloob din ang ahensya ng farm machinery, kagamitan at livelihood packages na nagkakahalaga ng P2.443 milyon sa anim na organisasyon ng agrarian reform beneficiaries na kumakatawan sa 542 magsasaka.

Ipinamahagi ang mga ito sa ilalim ng Climate-Resilient Farm Productivity Support Project upang matulungan ang mga magsasaka na mapataas ang kanilang produksiyon at kita.

Ayon sa mga opisyal ng DAR, mahalagang sabayan ng makabagong kagamitan at suportang pangkabuhayan ang pamamahagi ng mga titulo upang hindi lamang magkaroon ng sariling lupa ang mga benepisyaryo kundi magkaroon din sila ng sapat na kagamitan upang mapaunlad ang kanilang sakahan at kita ng pamilya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here