MANILA, Philippines – Tatlong katao ang naaresto sa magkasanib na operasyon ng militar at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay Gumaga, bayan ng Libungan, Cotabato noong Sabado, Nobyembre 14.
Nasamsam sa mga suspek ang dalawang M16 rifle, isang 12-gauge shotgun, limang rifle grenade, dalawang magazine assembly para sa 5.56mm rifle, mga bala, at dalawang rolyo ng hinihinalang explosive wire na may blasting cap.
Nakumpiska rin ang marked money, mga drug paraphernalia, tinatayang 15 gramo ng hinihinalang shabu at isang cellphone.
Pinangunahan ni Lt. Col. Germen T. Legada, commanding officer ng Army 33rd Infantry Battalion, ang operasyon kasama ang mga operatiba ng PDEA.
Ayon kay Brig. Gen. Ricky Bunayog, commander ng 602nd Infantry Brigade, itinurn-over na sa PDEA ang mga naarestong indibidwal at mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang disposisyon at karagdagang imbestigasyon.
Binigyang-diin ni Bunayog ang kahalagahan ng pagtutulungan ng militar, mga lokal na pamahalaan at law enforcement agencies sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa mga komunidad.
Pinasalamatan din niya ang mga residente sa patuloy na pakikipagtulungan at agarang pag-uulat sa mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar.
Samantala, pinuri ni Maj. Gen. Edgar L. Catu, commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, ang mga tauhan ng 33IB at PDEA sa matagumpay na operasyon.
Tiniyak ni Catu na patuloy na susuportahan ng 6ID ang mga programa ng pamahalaan laban sa ilegal na droga at iba pang kriminal na aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga komunidad. RNT/JGC