MANILA, Philippines – Nanawagan ang Malacañang sa mga demonstrador na sundin ang mga itinakdang patakaran sa pagsasagawa ng kilos-protesta, kasunod ng komprontasyon ng pulisya at mga raliyista sa Maynila ngayong Linggo, Nobyembre 15.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, kailangang igalang ang mga lugar na idineklarang no-rally zone, lalo na habang idinaraos ang 49th ASEAN Summit sa bansa.
“Hindi pwedeng sabihin makabayan kayo kung sarili nating rules ay hindi nyo kayang tuparin,” ani Castro sa isang press briefing.
Ipinagtanggol din niya ang tungkulin ng Philippine National Police (PNP) na panatilihin ang kaayusan at seguridad sa gitna ng mga demonstrasyon.
Binigyang-diin ni Castro na hindi nangangahulugang hindi na maaaring kumilos ang pulisya kapag may karapatang magprotesta ang isang indibidwal.
Kasunod ito ng tensyon sa Liwasang Bonifacio sa Maynila, kung saan hinarang ng mga pulis ang mga demonstrador na nagplanong magmartsa patungong Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.
Ayon sa Manila Police District (MPD), may mga inarestong demonstrador dahil umano sa panggugulo at pagsasagawa ng protesta sa labas ng itinakdang freedom park.
Kinondena naman ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang pagresponde ng pulisya, na inilarawan nilang marahas. Iginiit ng mga grupo na mapayapa lamang nilang nais ipahayag ang kanilang mga hinaing.
Sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 880, kinikilala ang karapatan sa mapayapang pagtitipon at hindi kailangan ng permit sa mga itinalagang freedom park. Maaari namang kailanganin ang permit para sa mga pagtitipon sa ibang pampublikong lugar.
Kabilang sa mga isinusulong na protesta ang pagtutol sa Pax Silica Initiative at nakatakdang pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas sa Nobyembre 17. RNT