MANILA, Philippines – Umabot sa 16 pulis ang naiulat na nasugatan habang 11 demonstrador ang inaresto matapos ang komprontasyon sa pagitan ng mga awtoridad at militanteng grupo sa Liwasang Bonifacio, Maynila nitong Linggo, Nobyembre 15.
Ayon sa Manila Police District (MPD), nagtamo ng minor injuries ang mga pulis at agad na nabigyan ng medikal na atensyon kasunod ng insidente.
Nagsimula ang tensyon nang tangkaing magmartsa ng mga demonstrador mula Liwasang Bonifacio patungo sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, kung saan ginaganap ang mga aktibidad para sa 49th ASEAN Summit.
Hinarang ng mga pulis ang grupo sa kahabaan ng Padre Burgos Avenue upang hindi makalapit sa lugar ng summit.
Nagkaroon ng pisikal na komprontasyon nang tangkaing makalusot ng ilang demonstrador sa police barricade.
Kabilang sa mga ipinoprotesta ng mga militanteng grupo ang pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas at ang panukalang Pax Silica initiative.
Samantala, kinondena ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang umano’y marahas na dispersal ng mga pulis.
Nauna nang tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na kikilalanin nito ang karapatan ng publiko sa mapayapang pagtitipon, ngunit kailangan ding sundin ang mga batas at regulasyon kaugnay ng mga kilos-protesta.
Inatasan din ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga pulis na pairalin ang propesyonalismo at paggalang sa karapatang pantao habang nagpapatupad ng seguridad para sa ASEAN Summit. Santi Celario