MANILA, Philippines – Nilinaw ni Naga City Mayor at dating Vice President Leni Robredo na nananatili siyang Katoliko at wala siyang planong talikuran ang kanyang pananampalataya matapos kumalat sa social media ang larawan niyang nakasuot ng Masonic regalia.
Sa kanyang Facebook post nitong Lunes, Nobyembre 16, ipinaliwanag ni Robredo na kuha ang larawan noong Nobyembre 13 sa international convention ng Grand Lodge of Modern Mixed Masons (GLMM) sa Villa Caceres Hotel sa Naga City.
Ayon sa alkalde, dumaan lamang siya sa pagtitipon matapos malaman na may mga delegadong mula sa ibang lugar na nais siyang makilala.
Pagdating sa venue, saka lamang niya nalaman na isang Masonic convention ang ginaganap at inaasahan siyang magbigay ng welcome message.
Matapos ang kanyang talumpati, hiniling umano sa kanya na manatili sa entablado upang tumanggap ng plaque of appreciation.
Dito isinuot sa kanya ng guest of honor ang Masonic regalia bilang tanda ng pasasalamat, bago sila kumuha ng mga larawan.
“But let me be clear: I am a devout Catholic, and I have no intention at all of leaving my faith,” ani Robredo sa kanyang pampublikong pahayag.
Binigyang-diin din niya na bilang alkalde, tungkulin niyang paglingkuran ang lahat ng residente ng Naga City anuman ang kanilang relihiyon.
Nauna nang nagbahagi ng larawan si Atty. Mark Tolentino noong Nobyembre 14 na nagdulot ng mga tanong sa social media tungkol sa kaugnayan ni Robredo sa Freemasonry.
Samantala, nananatili ang pagbabawal ng Simbahang Katolika sa aktibong pagiging miyembro ng Freemasonry, batay sa muling paglilinaw ng Vatican noong Nobyembre 2023.
Gayunman, walang kumpirmasyong pormal na sumapi si Robredo sa naturang organisasyon dahil lamang sa pagsusuot niya ng regalia sa nasabing pagtitipon. Mary Anne Sapico