Home NATIONWIDE Kiko sa PNP: Igalang karapatang magprotesta

Kiko sa PNP: Igalang karapatang magprotesta

1
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa Philippine National Police (PNP) na pairalin ang maximum tolerance at igalang ang karapatan ng publiko sa mapayapang pagtitipon sa gitna ng mga kilos-protesta kasabay ng 49th ASEAN Summit sa Metro Manila.

Kasunod ito ng mga insidente ng komprontasyon sa pagitan ng mga pulis at demonstrador, kabilang ang mga kabataan at katutubong lumahok sa mga protesta.

Sa kanyang pahayag nitong Lunes, Nobyembre 16, binigyang-diin ni Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights, na dapat magkasabay ang pagpapanatili ng kaayusan at pagprotekta sa mga batayang kalayaan ng mamamayan.

“Dapat na magkasabay ang pagpapanatili ng public order at pagprotekta sa mga batayang kalayaan ng mamamayan,” ani Pangilinan.

Pinaalalahanan din ng senador ang mga pulis na kapwa Pilipino ang mga nagpapatupad ng batas at mga demonstrador na may magkakatulad na pangarap para sa kanilang pamilya.

“Parehong Pilipino ang ating mga pulis at ang mga nagpoprotesta. Parehong may mga pamilyang nag-aalala sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, disenteng kabuhayan, ligtas na komunidad, at mas magandang kinabukasan para sa ating mga anak,” giit niya.

Ayon kay Pangilinan, hindi dapat ikahiya ng bansa ang mapayapang protesta sa harap ng mga dayuhang lider na dumadalo sa ASEAN Summit.

Sa halip, pagkakataon aniya ito upang ipakita na gumagana ang demokrasya sa Pilipinas at malayang naipahahayag ng mamamayan ang kanilang mga saloobin.

Samantala, nauna nang ipinagtanggol ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga pulis na nakatalaga sa seguridad ng summit.

Iginiit ni Nartatez na patuloy nilang paiiralin ang maximum tolerance, ngunit hindi papayagan ang anumang pagkilos na maaaring maglagay sa panganib sa mga delegado at panauhin.

Binigyang-diin naman ni Pangilinan na mahalagang mapanatili ang kaligtasan ng lahat habang tinitiyak na may pagkakataon ang bawat Pilipino na maipahayag ang kanyang saloobin.

(Ernie Reyes)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here