MANILA, Philippines – Walang pasok sa Metro Manila at Aroroy, Masbate sa Martes, Nobyembre 17, habang binago naman ang oras ng klase sa ilang paaralan sa Albay at Cebu dahil sa matinding init at pagtaas ng kaso ng dengue.
Sa ilalim ng Proclamation No. 1447, idineklarang special non-working days ang Nobyembre 16 hanggang 18 sa buong National Capital Region (NCR) kaugnay ng pagdaraos ng 49th ASEAN Summit and Related Summits.
Wala ring pasok sa Aroroy, Masbate sa Nobyembre 17 alinsunod sa Proclamation No. 1502, bilang pagdiriwang ng anibersaryo ng pagkakatatag ng bayan.
Samantala, sa Guinobatan, Albay, limitado ang face-to-face classes sa lahat ng elementary at secondary schools mula alas-6:30 hanggang alas-10:45 ng umaga dahil sa inaasahang heat index na 38 degrees Celsius.
Sa Talisay City, Cebu, magpapatupad naman ng adjusted class schedules sa lahat ng pampublikong paaralan upang mabawasan ang pagkakalantad ng mga estudyante at guro sa matinding init.
Suspendido rin sa loob ng isang linggo ang face-to-face classes sa Tabunok Central Elementary School dahil sa naitalang magkakaugnay na kaso ng dengue sa mga mag-aaral. Pansamantalang ipatutupad ang modular distance learning habang nagsasagawa ng paglilinis at mosquito-control activities.
Pinapayuhan ang mga magulang at estudyante na bantayan ang mga opisyal na anunsyo ng kani-kanilang lokal na pamahalaan at paaralan para sa karagdagang pagbabago sa iskedyul ng klase. RNT