MANILA, Philippines – Hindi itinuturing ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kabiguan ang hindi pagkumpleto sa South China Sea Code of Conduct (COC) sa ilalim ng ASEAN chairship ng Pilipinas ngayong 2026.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, kuntento ang Pilipinas sa naging progreso ng negosasyon sa pagitan ng ASEAN at China.
Umabot na sa halos 80% ng mga talata sa draft COC ang pansamantalang napagkasunduan ng mga bansang kalahok sa pag-uusap.
Iginiit ni Lazaro na hindi sila nabigo sa resulta ng negosasyon sa kabila ng hindi pagkumpleto sa kasunduan ngayong taon.
Sinabi ng kalihim na maaari sanang matapos ang COC kung nabigyan pa ang Pilipinas ng karagdagang lima hanggang anim na buwan upang pangunahan ang mga pag-uusap.
Gayunman, may mahahalagang usapin pang hindi napagkakasunduan, kabilang ang pagiging legally binding ng kasunduan at saklaw ng pagpapatupad nito.
Layunin ng COC na magtakda ng mga alituntunin upang maiwasan ang komprontasyon at mapanatili ang kapayapaan sa South China Sea, kung saan patuloy ang mga pagtatalo sa teritoryo at karapatang pandagat.
Sa kabila ng progreso, wala pang itinakdang tiyak na petsa para sa paglagda sa kasunduan.
Ipagpapatuloy ang negosasyon sa ilalim ng Singapore, na siyang hahawak sa ASEAN chairship sa 2027. Dave Medina