MANILA, Philippines – Muling nangako ang China na susuportahan ang maagang pagkumpleto ng Code of Conduct (COC) sa South China Sea sa kabila ng hindi pagkakasundo sa ilang mahahalagang probisyon nito.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro nitong Lunes, Nobyembre 16, ipinahayag ni Chinese Premier Li Qiang ang pangako sa ginanap na ASEAN-China Summit sa Pasay City.
Sinabi ni Lazaro na nais ng China ang isang epektibo at makabuluhang kasunduan na naaayon sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Gayunman, hindi pa rin natapos ang negosasyon sa ilalim ng ASEAN chairship ng Pilipinas ngayong 2026.
Batay sa DFA, umabot na sa humigit-kumulang 80% ng mga probisyon sa draft COC ang pansamantalang napagkasunduan ng ASEAN at China.
Kabilang sa mga usaping hindi pa nareresolba ang saklaw ng kasunduan at kung magiging legally binding ito sa mga bansang kalahok.
Layunin ng COC na magtakda ng mga alituntunin upang maiwasan ang komprontasyon at mapanatili ang seguridad sa South China Sea, kung saan patuloy ang mga pagtatalo sa karapatang pandagat at teritoryo.
Nilinaw ni Lazaro na hindi itinuturing ng Pilipinas na kabiguan ang hindi pagkumpleto sa kasunduan dahil sa malaking progreso ng negosasyon.
Ipagpapatuloy ang mga pag-uusap sa ilalim ng Singapore, na hahawak sa ASEAN chairship sa 2027.
Wala pang tiyak na petsa kung kailan pormal na matatapos at malalagdaan ang COC. Dave Medina