MANILA, Philippines – Kinilala ni United Nations (UN) Secretary-General António Guterres ang Pilipinas bilang isang “pillar of multilateralism” dahil sa aktibong pakikilahok nito sa mga pandaigdigang usapin at pakikipagtulungan sa UN.
Ipinahayag ito ni Guterres sa pakikipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes, Nobyembre 16, sa sidelines ng 49th ASEAN Summit sa Maynila.
Kabilang sa kanilang tinalakay ang pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at UN sa pagtataguyod ng international law, kapayapaan, seguridad at pagtugon sa climate change.
Ibinahagi rin ni Marcos ang naging resulta ng unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong Setyembre 14.
Itinuturing ng pamahalaan ang nasabing halalan bilang mahalagang hakbang sa Bangsamoro peace process, kasunod ng paglipat mula sa pansamantalang pamahalaan tungo sa isang halal na parliamentary government.
Nagpasalamat naman ang Pangulo kay Guterres sa kanyang pamumuno sa UN, partikular sa pagsusulong ng climate action sa gitna ng mga pandaigdigang hamon.
Muling tiniyak ni Marcos ang patuloy na pakikipagtulungan ng Pilipinas sa United Nations at iba pang bansa upang tugunan ang mga usapin sa kapayapaan, seguridad at kaunlaran.
Samantala, binigyang-diin ni Guterres ang mahalagang papel ng mga organisasyong panrehiyon tulad ng ASEAN at ang pangangailangan ng mga reporma upang mapahusay ang operasyon ng United Nations.
Ito na ang huling pagdalo ni Guterres sa ASEAN Summit bilang UN Secretary-General dahil magtatapos ang kanyang ikalawa at huling termino sa Disyembre 31, 2026. Kris Jose