MANILA, Philippines – Dumagsa ang mga turista sa Baguio City kasabay ng mahabang bakasyon kaugnay ng 49th ASEAN Summit, dahilan upang bumigat ang trapiko at mapuno ang ilang bus terminal sa lungsod.
Maraming pasyalan sa Baguio ang dinumog ng mga bisita, habang inaasahang magpapatuloy ang pagdagsa ng turista hanggang Miyerkules, Nobyembre 18.
Naka-full alert status ang Baguio City Police Office upang matiyak ang seguridad ng mga residente at bisita.
Sinabi ni Police Major Mary Grace Marron na kinansela ang leave ng mga pulis bilang bahagi ng pinaigting na seguridad.
Samantala, humaba rin ang pila sa mga bus terminal matapos mapuno ang mga biyahe patungong Maynila at iba pang destinasyon.
Ayon sa terminal master na si Levy Placido, fully booked ang kanilang mga bus, kabilang ang mga bumibiyahe sa lokal na ruta. Tiniyak naman ng terminal na may sapat silang bus upang mapagsilbihan ang mga pasahero.
Nauna nang nagbigay ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng special permits sa 372 bus upang matugunan ang inaasahang pagdami ng mga biyahero sa ASEAN break.
Sa ilalim ng Proclamation No. 1447, idineklarang special non-working days ang Nobyembre 16 hanggang 18 sa Metro Manila upang mabawasan ang trapiko at mapanatili ang seguridad sa panahon ng ASEAN Summit. Mary Anne Sapico