Home NATIONWIDE Pagbasura ng SC sa insurance provision sa Magna Carta of Seafarer, ikinatuwa...

Pagbasura ng SC sa insurance provision sa Magna Carta of Seafarer, ikinatuwa ng solon

2
0
larawan ni Cesar Morales

MANILA, Philippines – “Sa wakas, naalis na ang pabigat.”

Iyan ang buod ng reaksyon ni Senador Risa Hontiveros matapos ideklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema ang bond requirement sa ilalim ng Magna Carta of Filipino Seafarers.

Malugod na tinanggap ng senadora ang desisyon. Aniya, hindi niya lubos maisip na ang mga seafarer na nanalo na nga sa kanilang kaso ay hihingan pa ng bond bago makuha ang perang nararapat sa kanila.

“Kapos na nga siya sa pambili ng gamot, saan pa siya kukuha ng pang-bond?”

Ayon kay Hontiveros, tinutulan na niya ang probisyong ito noong pinagdedebatehan pa ito sa Senado. Nang ibalik ito sa bicameral conference committee, bumoto siya laban sa ratipikasyon ng batas.

Nanindigan siya noon pa na hindi ito patas at posible ngang unconstitutional.

Nagpasalamat din siya sa lahat ng nanindigan para tuluyan nang matanggal ang probisyon, at sa mga marinong nagdala ng laban mula sa Kamara, sa Senado, hanggang sa Korte Suprema.

“Panalo ninyo ito! Tuloy ang laban para sa mga seafarers at sa bawat manggagawang Pilipino.”

Matatandaan na nagdesisyon ang SC noong Nobyembre 11, 2026 ngunit ipinalabas lamang nitong Nobyembre 16 na bahagyang pinagbigyan ng Korte Suprema En Banc ang limang pinagsamang petisyon na kumukwestyon sa Republic Act No. 12021 o Magna Carta of Filipino Seafarers.

Isinulat ni Associate Justice Maria Filomena D. Singh ang desisyon.

Idineklara nitong unconstitutional at void ang Section 59 ng batas — ang bahagi na nag-aatas sa seafarer na mag-post ng bond bago maipatupad ang disputed monetary awards at damages habang naka-apela o nasa judicial review pa ang kaso.

Sa ilalim ng Section 59, ang sahod, statutory benefits, at   hindi pinagtatalunang halaga ay immediately executory — makukuha agad.

Pero para makuha ang disputed amounts at damages, kailangan munang mag-post ng bond ang seafarer bilang garantiya na ibabalik niya ang pera kung sakaling baligtarin o baguhin ang desisyon sa apela.

Ayon sa Korte, lumabag ito sa Due Process at Equal Protection Clauses dahil nagpataw ito ng karagdagang pinansyal na pabigat sa mga seafarer na nagpapatupad ng paborableng labor judgment — isang requirement na hindi naman ipinapataw sa ibang mga manggagawa.

Kinilala ng Korte ang interes ng Estado na pigilan ang “ambulance chasing” at protektahan ang maritime industry laban sa hindi mababawi na bayad, pero sinabi nitong hindi sapat ang mga layuning iyon para bigyang-katwiran ang restriksyon.

Ibinasura rin ang probisyon na nagpapahintulot sa Department of Migrant Workers na gamitin ang Agarang Kalinga at Saklolo Para sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) Fund para bayaran ang bond premiums.

Ayon sa Korte, labag ito sa patakaran na ang pondo ng bayan ay dapat gastusin lamang para sa public purpose.

Ibinasura rin DOLE Department Order No. 247, Series of 2025 na nagpapatupad ng bond requirement.

Hindi rin tinanggap ng SC ang  Section 60 ng Magna Carta at bahagi ng RA 10706 o Seafarers Protection Act na nag-regulate sa practice of law — kabilang ang 10% ceiling sa lawyer’s fees.

Ayon sa Korte, ang pag-regulate sa mga abogado ay nasa eksklusibong kapangyarihan ng Korte Suprema.

Nilinaw ng Korte na nananatiling valid at enforceable ang Magna Carta of Filipino Seafarers, maliban sa mga probisyong idineklara nilang unconstitutional o void.

Pinagtibay din nito ang mga probisyon tungkol sa maritime education at training.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here