Home NATIONWIDE Libreng almusal sa mag-aaral: Nat’l Children’s Nutrition Act, batas na

Libreng almusal sa mag-aaral: Nat’l Children’s Nutrition Act, batas na

3
0

MANILA, Philippines – Ikinatuwa ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang pag-apruba ng bicameral conference committee sa panukalang National Children’s Nutrition Act, na aniya ay malaking hakbang para matupad ang pangako niyang libreng almusal para sa mga estudyante.

Pinagsanib sa bicam ang Senate Bill No. 2272 at House Bill No. 9466 na layong palitan ang Republic Act No. 11037 o ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act. Sa ilalim nito, itatatag ang National Children’s Nutrition Program na tututok sa life-stage approach para tugunan ang malnutrisyon, gutom, kahirapan at krisis sa edukasyon.

“Ito ang pangakong hindi napako dahil sinigurado at ipinaglaban natin na maisulong ang panukalang batas na ito. Hindi dapat maging hadlang ang kahirapan sa pagkakaroon ng sapat at masustansyang pagkain ang ating mga anak. Hindi dapat may batang Pilipino na pumapasok sa paaralan nang gutom at walang kakayahang matuto dahil kulang ang kanilang kinakain,” ani Pangilinan.

Giit ng senador, hindi lang usaping pangkalusugan ang malnutrisyon kundi usapin din ng edukasyon at pantay na oportunidad.

“Ang malnutrisyon at undernourishment ay hindi lamang usapin ng kalusugan. Usapin din ito ng edukasyon, kahirapan, at pantay na pagkakataon. Kapag kulang sa nutrisyon ang isang bata, naaapektuhan ang kanyang paglaki, pag-iisip, kakayahang matuto, at pagkakataong magkaroon ng magandang kinabukasan,” dagdag niya.

Matatandaang pagbalik niya sa Senado noong nakaraang taon, agad na inihain ni Pangilinan ang Senate Bill No. 219 o ang Libreng Almusal Act na layong magkaroon ng libreng almusal para sa lahat ng public school students mula Kinder hanggang Grade 12 at mga nasa daycare centers sa buong bansa. Nakapaloob din dito ang direktang pagbili ng pagkain mula sa mga lokal na magsasaka at mangingisda sa ilalim ng Sagip Saka Act — ang batas na siya ring may-akda noong 2019.

Ang panukala ay naging bahagi ng Senate Bill No. 2272 o ang Expanded National Nutrition Program Act na tinalakay sa bicam.

Kabilang sa mga pangunahing probisyon ng napagkasunduang bersyon ang:

– Universal feeding para sa lahat ng public school learners mula Kindergarten hanggang Grade 3, anuman ang nutritional status;

– Targeted feeding para sa mga undernourished learners sa Grades 4 to 6;

– Pagpapalawak ng nutrisyon para sa maliliit na bata, mga buntis na estudyante, at iba pang vulnerable groups;

– Pagpapalakas ng partisipasyon ng mga magsasaka at mangingisda sa feeding programs sa pamamagitan ng direktang pagbili sa ilalim ng Sagip Saka Act.

Ayon kay Pangilinan, dobleng benepisyo ito — matutugunan ang gutom at malnutrisyon habang nabibigyan ng siguradong merkado ang ani ng mga magsasaka at mangingisda.

Nanawagan din siya sa dalawang kapulungan ng Kongreso na tapusin na ang nalalabing proseso para maisabatas ito, dahil hindi na aniya dapat maantala pa ang nutrisyon at suporta para sa mga batang Pilipino.

“Kapag nagkaroon ng pagkakataon ang bawat batang Pilipino na lumaking busog, malusog, at may kakayahang mangarap at matuto, ito ay ikauunlad ng ating bansa. They will contribute to nation-building, to achieving true progress, to making sure that no Filipino gets left behind,” pagtatapos ng senador. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here