Home NATIONWIDE Ridon, inaasahang matatapos impeachment trial ni VP Sara Duterte sa Nobyembre

Ridon, inaasahang matatapos impeachment trial ni VP Sara Duterte sa Nobyembre

3
0

MANILA, Philippines – Inaasahan ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na matatapos na ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa katapusan ng Nobyembre, at posibleng magkaroon ng desisyon ang Senate impeachment court bago matapos ang taon.

Ayon kay Ridon, walo hanggang 10 testigo na lamang ang natitira sa panig ng depensa, kaya posibleng matapos ang presentasyon ng kanilang mga ebidensya sa Nobyembre o sa unang linggo ng Disyembre.

“Well, ang totoo naman ho kung walo hanggang sampu na lang naman po ‘yung testigo ng depensa sa darating pong mga linggo, tingin ko dapat by end of November tapos na tapos na ho sila,” ani Ridon nitong Martes, Nobyembre 17.

“Baka magtuloy lang ho ng first week, kalahati ng first week of December. Pero hopefully within December ‘yun pong pagpapasya ng Senate impeachment court, eh, makukuha na po natin pagkatapos po ng lahat po ng ito,” dagdag niya.

Nauna nang sinabi ni private prosecutor Lorna Kapunan sa isang press conference na malapit na ang “end” ng Bise Presidente.

Nakatakdang ipagpatuloy ang pagdinig ng Senate impeachment court sa Nobyembre 19 at 20, matapos ang unang linggo ng presentasyon ng ebidensya ng depensa mula Nobyembre 9 hanggang 12.

Kabilang sa mga tumestigo sina Davao City Assessor Jaime Adalin at Island Garden City of Samal Assessor John Kenneth Enumerables, na nagbigay-linaw sa mga ari-ariang nakarehistro sa pangalan ng asawa ni Duterte na si Atty. Manases Carpio.

Tinawag din ng depensa si corporate counsel Suzette Balucanag-Punay upang ipaliwanag ang mga negosyo ni Duterte at ang mahigit P2.1 milyong tsekeng natanggap nito mula 2022 hanggang 2025.

Kabilang pa sa mga testigo sina Atty. Anel Martin Antero, na nagpaliwanag tungkol sa P205,007 na bill sa isang restaurant sa Tokyo, at Chadwin Parian, na nagbigay-linaw sa P256,882 na pagbili sa isang Nike store sa Kuala Lumpur.

Inaasahan pang maghahain ng mga testigo ang depensa upang sagutin ang ebidensya ng prosekusyon hinggil sa umano’y hindi idineklarang mga ari-ariang nagkakahalaga ng hindi bababa sa P817.87 milyon na iniuugnay kay Duterte at sa kanyang asawa.

Matapos ihinto ng depensa ang presentasyon nito, pormal nitong ihahain ang mga ebidensya upang mabigyan ng pagkakataon ang prosekusyon na tumugon. Pagkatapos nito, tutukuyin ng Senate impeachment court ang mga susunod na hakbang, kabilang ang closing arguments at iskedyul ng paglalabas ng hatol.

Hinimok naman ni Ridon ang publiko na hintaying matapos ang proseso at hayaang ebidensya ang maging batayan ng magiging desisyon, anuman ang pampulitikang panig na sinusuportahan.

“Alam po ninyo, matatapos naman na po ‘yung paglilitis po natin. Antabayanan lang ho natin ‘yun pong pagtakbo po ng kaso, whether para po tayo sa Pangalawang Pangulo o laban po sa Pangalawang Pangulo,” aniya.

Binigyang-diin din ni Ridon na hindi lamang si Duterte ang nakataya sa kaso kundi pati ang uri ng pamumunong dapat asahan ng mga Pilipino.

“Hayaan po natin na ang ebidensya at mga dokumento at testimonya, ‘yun pong manaig dito po sa bagay na ito dahil tungkol po sa ating lahat ito, ‘yun pong tipo ng lider na dapat mayroon po tayo sa Pilipinas sa kasalukuyan at sa hinaharap,” pahayag niya. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here