MANILA, Philippines – Lumipad na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., patungong Shenzhen, China para dumalo sa ika-33 APEC Economic Leaders’ Meeting at mga kaugnay na aktibidad, sa paanyaya ni Pangulong Xi Jinping.
Sa departure statement ng Pangulo, sinabi nito na malaki ang papel na ginagampanan ng rehiyon ng APEC sa pandaigdigang ekonomiya.
Dito aniya kasi naninirahan ang 37% ng populasyon ng mundo, nagmumula ang 61% ng kabuuang pandaigdigang Gross Domestic Product (GDP), at nagmumula rin ang 46% ng pandaigdigang kalakalan sa mga produkto at serbisyong pangkomersiyo. Dito rin nakasentro ang malaking bahagi ng paglago ng ekonomiya sa buong mundo.
“Ngayong taon, inaasahang lalago nang 3.4% ang mga ekonomiya ng APEC, mas mabilis kaysa sa pandaigdigang ekonomiya, na pinapalakas ng mga pamumuhunan sa digital na teknolohiya at artificial intelligence (AI). Buo ang aming kumpiyansa sa paglahok sa pagpupulong na ito,” ayon kay Pangulong Marcos.
Matatandaang, noong Hulyo 1 ng taong ito, matapos ang halos apat na dekada, muling nauri ang Pilipinas bilang isang upper middle-income economy o bansang may mataas na antas ng kita.
Umabot sa pinakamataas na antas sa kasaysayan ang mga eksport na nagkakahalaga ng 84.5 bilyong dolyar noong 2025. Pinalalawak din ng Pilipinas ang pinakamalawak at pinakaaktibong network ng malayang kalakalan sa kasaysayan ng ating bansa.
Ipinakikita aniya ng mga tagumpay na ito na nakatutulong sa mamamayan ang pagiging bukas sa kalakalan, mga reporma, at pakikipagtulungan sa ibang bansa.
Sa kabilang dako, ang tema ng China sa pagho-host nito ng APEC ngayong taon na “Building an Asia-Pacific Community to Prosper Together,” gayundin ang mga prayoridad nitong pagiging bukas, inobasyon, at kooperasyon, ay malapit na nakaayon sa pambansang adyenda ng Pilipinas para sa kaunlaran.
“Nananatili ang ating layunin na magbukas ng mga bagong pamilihan para sa mga produktong Pilipino at talento ng ating mga kababayan, pabilisin ang digital transformation, at bumuo ng mga pakikipagtulungan na magdadala ng pamumuhunan at de-kalidad na trabaho sa ating ekonomiya,” ang sinabi pa rin ng Punong Ehekutibo.
“Bilang tagapangulo ng ASEAN ngayong taon, dadalhin ko rin sa APEC ang mga tagumpay ng ating pamumuno, kabilang ang ASEAN Digital Economy Framework Agreement, ang kauna-unahang kasunduan sa digital economy na sumasaklaw sa isang buong rehiyon sa buong mundo, na tinapos ng ASEAN sa Maynila,” aniya pa rin.
“Iisa ang layunin ng ASEAN at APEC: ang magkaroon ng isang bukas, magkakaugnay, at inklusibong rehiyon. Makakamit ang tunay na paglago at pangmatagalang kaunlaran kung aalisin natin ang mga hadlang at sama-sama tayong kikilos,” dagdag na wika nito.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na sa mga pagkakataong hindi bahagi ng opisyal na pagpupulong, inaasahan niyang makipagkita sa iba pang mga lider at makipag-ugnayan sa mga kinatawan ng sektor ng negosyo upang higit pang palakasin ang ugnayang pangkalakalan at makahikayat ng mga pamumuhunan.
Tinuran pa niya na makikipag-ugnayan siya sa Tsina sa isang konstruktibong paraan upang palawakin ang kalakalan, pamumuhunan, at palitan ng ugnayan ng mga mamamayan na kapaki-pakinabang sa ating mga bansa, habang nananatili tayong matatag sa pagtatanggol at pagsusulong ng pambansang interes ng Pilipinas.
“Malinaw ang ating mensahe: Bukas ang Pilipinas para sa negosyo. Mamuhunan sa mga Pilipino,” aniya pa rin.
Ang APEC ay isang plataporma para sa diyalogo at talakayan, ngunit ang pinakamahalaga ay kung ano ang maidudulot ng mga pag-uusap sa pagbabalik: mas maraming trabaho, mas maayos na access sa serbisyong pangkalusugan, at isang ekonomiyang handa sa mga hamon ng hinaharap.
“Kumpiyansa ako na magbubunga ng mga konkretong resulta ang ating pakikilahok sa pagpupulong sa Shenzhen na maglalapit sa atin sa pagkamit ng mga layuning ito,” diing pahayag ni Pangulong Marcos.
“Ito ang ating pangako: tunay na pagbabago para sa bawat Pilipino ngayon at para sa mga susunod pang henerasyon,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)