MANILA, Philippines – Pinuri ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga pulis at iba pang security personnel na nangasiwa sa seguridad ng 49th ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong sa Pilipinas.
Sa pahayag nitong Miyerkules, Nobyembre 18, sinabi ni Nartatez na matagumpay na natupad ng PNP ang mga tungkulin nito sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa kabila ng mga hamong kinaharap sa naturang pagtitipon.
Ayon sa PNP chief, mahigit 630 pagpupulong kaugnay ng ASEAN hosting ng Pilipinas ang naisagawa nang walang malaking pagkaantala.
Nagpatupad ang PNP ng heightened security measures at nagtalaga ng libo-libong pulis at iba pang security personnel upang tiyakin ang kaligtasan ng mga lider, delegado at iba pang bisitang dumalo sa summit.
Isinailalim din sa full alert status ang mga pulis sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon bilang bahagi ng paghahanda sa international gathering.
Binigyang-diin ni Nartatez na hindi magiging matagumpay ang kanilang operasyon kung wala ang koordinasyon at pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at law enforcement units.
Pinasalamatan din nito ang mga pulis na nagsakripisyo ng oras para sa kanilang mga pamilya upang magampanan ang tungkulin sa ASEAN Summit.
Hinimok ng PNP chief ang mga tauhan na ipagpatuloy ang parehong dedikasyon at propesyonalismo sa kanilang pang-araw-araw na paglilingkod sa mga komunidad.
Samantala, kasabay ng pagtatapos ng ASEAN Summit, patuloy namang iniimbestigahan ng Commission on Human Rights (CHR) ang mga alegasyon ng paglabag sa karapatang pantao kaugnay ng pag-aresto sa mahigit 200 demonstrador noong Nobyembre 15.
Kabilang sa sinusuri ng CHR ang pag-aresto sa mga menor de edad at kondisyon ng mga demonstrador na dinala sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City. Santi Celario