SA tuwing nagho-host ang Pilipinas ng mga pandaigdigang pagtitipon gaya ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit, ipinagmamalaki natin sa buong mundo ang pagiging hospitable ng mga Pilipino. Kilala tayo sa mainit na pagtanggap, magiliw na pakikitungo at kusang pagtulong sa mga panauhin. Sa gitna ng ASEAN, buhay pa nga ba ang tunay na Filipino hospitality?
Ang hospitality ay hindi lamang tungkol sa pagngiti, pagbati o paghahanda ng magarbong welcome ceremony para sa mga dayuhang delegado. Mas sinusukat ito sa disiplina, respeto, malasakit at responsableng pakikitungo natin sa kapwa.
Kabilang dito ang sinseridad sa mga ipinaglalaban. Karapatan ng bawat Pilipino ang magpahayag ng saloobin at magsagawa ng mapayapang rally. Ngunit kaakibat ng karapatang ito ang responsibilidad na igalang ang batas, seguridad ng publiko at karapatan ng ibang mamamayan.
Sa panahon ng ASEAN Summit, nararapat lamang na isantabi ang anomang politikal na pagkakawatak-watak at internal na usapin.
Kailangang magkatuwang ang pamahalaan at mamamayan sa pag-istima sa mga bisita. Mas makatutulong ang obserbasyon at analysis sa nagaganap na pagpupulong. Dapat ding isaalang-alang ang epekto ng mga demonstrasyon sa mga lugar na hindi awtorisado para rito. Dahil maaari nitong makompromiso ang seguridad ng mga delegado at lider ng ASEAN o maantala ang official schedule ng mga aktibidades. Hindi kailangang isakripisyo ang seguridad at kaayusan upang maiparating ang isang makabuluhang panawagan.
Sa kabilang banda, hindi rin sapat ang temporary cleanliness, pagpapaganda ng mga lansangan at magarbong paghahanda para sa bisita. Ang tunay na imahe ng bansa ay nakikita sa asal, kultura at pakikitungo ng mamamayan.
Ang pagiging makabayan ay hindi lamang nasusukat sa lakas ng protesta kundi sa responsibilidad at respeto sa kapwa. Dapat ding ituring na ang Filipino hospitality ay hindi pang-ASEAN lamang. Dapat araw-araw itong maiparamdam at makita sa disiplina, sinseridad at malasakit na sumasalamin sa tunay na dangal at kultura ng bawat Pilipino.
∞∞∞
Pagbati sa aking anak na si Atasha Denise Napule na nagdiriwang ngayon ng kanyang ika-18 kaarawan. Lagi kong dasal at hangad ang mabuti mong kalusugan, pagpapayabong ng talento at kritikal na pag-iisip. Mahal na mahal kita anak. Muli, Happy 18th birthday, Atasha.






