Home NATIONWIDE Marinduque governor, legal officer inireklamo sa Ombudsman sa $100-M Marcopper settlement

Marinduque governor, legal officer inireklamo sa Ombudsman sa $100-M Marcopper settlement

10
0

MANILA, Philippines – Inireklamo sa Office of the Ombudsman sina Marinduque Governor Melecio Go at Provincial Legal Officer Benedict Cartagena dahil sa umano’y paghadlang sa pagpapatupad ng $100-milyong settlement para sa rehabilitasyon ng mga lugar na naapektuhan ng Marcopper mining disaster.

Batay sa 65-pahinang complaint-affidavit na inihain ng ilang residente noong Nobyembre 13, nahaharap ang dalawang opisyal sa mga reklamong gross neglect of duty, conduct prejudicial to the best interest of the service, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Kinuwestiyon ng mga nagreklamo ang umano’y hindi pagpirma ni Go sa mga dokumentong kailangan upang mailabas ang unang $50 milyong bayad mula sa escrow account ng JPMorgan Chase Bank sa Singapore.

Ayon sa reklamo, lumampas ang deadline noong Oktubre 4, 2026 nang hindi pa nalalagdaan ng gobernador ang kinakailangang joint instructions.

Inakusahan din si Cartagena na sumulat sa bangko noong Oktubre 14 upang hilinging panatilihing bukas ang escrow account, na itinuring ng mga nagreklamo na bahagi ng umano’y paghadlang sa kasunduan.

Gayunman, nailipat noong Oktubre 16 ang unang settlement payment na humigit-kumulang $50.71 milyon sa trust fund account ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng direktang tagubilin ng Barrick Mining Corporation.

Nauna nang itinanggi ng administrasyon ni Go na hinarang nito ang pagpapalabas ng pondo.

Iginiit ng gobernador na hindi niya tinututulan ang $100-milyong settlement kundi ang 25% legal fee na hinihingi ng dating mga abogadong humawak sa kaso.

Ayon naman sa pamahalaang panlalawigan, hindi na kailangan ang lagda ng gobernador matapos ang Oktubre 4 termination date ng escrow agreement, batay sa paglilinaw ng JPMorgan Chase.

Bukod dito, kinuwestiyon din ng mga nagreklamo ang umano’y pagtutol ni Go sa Provincial Ordinance No. 250, na may kaugnayan sa paggamit ng settlement funds para sa rehabilitasyon.

Iginiit ng mga residente na patuloy na naaantala ang mga kinakailangang programa para sa mga komunidad na halos tatlong dekada nang naghihintay ng rehabilitasyon matapos ang trahedya sa pagmimina.

Inaprubahan ng Court of Appeals noong Oktubre 3, 2025 ang $100-milyong kasunduan sa pagitan ng Marinduque at Barrick kasunod ng mahabang legal na proseso kaugnay ng pinsalang pangkapaligiran na iniuugnay sa operasyon ng Marcopper.

Hiniling ng mga nagreklamo sa Ombudsman na imbestigahan at panagutin ang dalawang opisyal kung mapatutunayang may nagawa silang paglabag.

Wala pang nakumpirmang desisyon ang Ombudsman sa bagong reklamong inihain laban kina Go at Cartagena. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here