Home NATIONWIDE India PM Modi, pinangunahan P305-M redevelopment ng Sikh temple sa Maynila

India PM Modi, pinangunahan P305-M redevelopment ng Sikh temple sa Maynila

1
0
‎📷 PM Narendra Modi, Manila COS Cesar Chavez

MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Indian Prime Minister Narendra Modi ang seremonya para sa P305-milyong redevelopment ng Gurudwara Khalsa Diwan, ang pinakamatandang Sikh temple sa Pilipinas, sa kanyang pagbisita sa Maynila noong Martes, Nobyembre 17.

Dumalo si Modi sa foundation stone-laying ceremony bilang bahagi ng kanyang pagbisita sa bansa para sa 23rd ASEAN-India Summit at 21st East Asia Summit.

“Feeling very blessed to be at the Gurudwara Khalsa Diwan in Manila,” pahayag ng Indian leader sa kanyang social media post.

Nag-alay rin ng panalangin si Modi sa makasaysayang lugar ng pagsamba na mahigit isang siglo nang nagsisilbing sentro ng pananampalataya at pagtitipon ng Sikh community sa Maynila.

Ayon sa Prime Minister’s Office ng India, itinatag ang institusyon noong 1901, pormal na inorganisa noong 1903 at nairehistro bilang Khalsa Diwan noong 1924.

Bilang bahagi ng redevelopment, planong palitan ang kasalukuyang istruktura ng isang modernong limang palapag na gusali na may mga pasilidad para sa religious gatherings, community activities, langar o libreng pagkain para sa komunidad, at parking.

Tinatayang aabot sa P305 milyon o humigit-kumulang $5 milyon ang halaga ng proyekto na pangunahing popondohan sa pamamagitan ng mga kontribusyon mula sa Sikh at Indian communities.

Target na matapos ang konstruksyon sa loob ng dalawang taon, bago ang nakatakdang centenary celebration sa 2029.

Dumalo rin sa seremonya sina Senator Francis Joseph Escudero at Manila Mayor Francisco Isko Moreno, kasama ang mga Sikh religious leader at miyembro ng komunidad.

Nakibahagi si Modi sa seremonyang pangrelihiyon kasama ang Panj Pyare, ang limang kinatawan sa tradisyong Sikh.

Ayon sa pamahalaan ng India, mahalagang bahagi ang Gurudwara Khalsa Diwan ng pagpapanatili ng ugnayang pangkultura at panrelihiyon sa pagitan ng Indian-Sikh community at ng lipunang Pilipino.

Ang pagbisita ni Modi ay bahagi ng kanyang opisyal na paglalakbay sa Pilipinas noong Nobyembre 16 hanggang 17 upang makilahok sa mga pagpupulong ng mga lider ng ASEAN at mga bansang katuwang nito.

Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here