MANILA, Philippines – Ipinalabas sa Senate impeachment court nitong Miyerkules ang video ng yumaong si dating Senador Miriam Defensor-Santiago na bumabatikos sa prosecution dahil sa pagbawi nito ng ilang artikulo ng impeachment laban sa yumaong dating Chief Justice Renato Corona.
Ipinakita ang video ni defense lawyer Mark Vinluan habang tumetestigo si Atty. Reinel dela Fuente, dating imbestigador ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) Secretariat’s Compliance and Investigation Group.
Sa video, kinuwestiyon ni Santiago ang House prosecutors kung binawi nila ang ilang impeachment article upang magsagawa ng trial by publicity.
“The prosecution evidence must at all times be competent and admissible to sustain its stand,” ani Santiago.
“The prosecution cannot rely on an imaginary person charging a serious offense without extending to the accused the benefit of confronting his accuser,” dagdag niya.
Tatlo sa apat na impeachment article laban kay Vice President Sara Duterte ang binawi ng prosecution noong nakaraang buwan. Ang natitirang alegasyon ay may kaugnayan sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Kinuwestiyon naman nina Senator-judges Erwin Tulfo at Panfilo Lacson ang kaugnayan ng video sa kasalukuyang paglilitis. Sinabi ni Tulfo na magkaiba ang kaso at mga senador na humahawak sa impeachment trial ni Corona at ni Duterte. Sumasang-ayon dito si Senate President at Presiding Officer Francis Escudero.
Ipinakita rin ng depensa ang iba pang video mula sa impeachment trial ni Corona, kabilang ang pagdepensa nito sa sarili at ang pahayag tungkol sa epekto ng paglilitis sa Korte Suprema at sa kanyang personal na buhay.
Ayon naman kay House prosecutor at Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno, wala siyang nakikitang kaugnayan ang mga pahayag ni Corona sa kasalukuyang kaso at maituturing lamang itong “appeal to emotion.”
Sinabi rin ni Sen. Risa Hontiveros na hindi makatarungang idamay sa paglilitis sina Santiago, Corona at dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi na maaaring humarap at sumagot ang mga ito sa mga tanong ng mga senador.
Sa testimonya ni Dela Fuente, tinanong din siya ng depensa kung maaaring magamit bilang “political weapon” ang impormasyon mula sa AMLC sa impeachment trial. Sinabi niyang posible ito at binanggit ang probisyon ng Anti-Money Laundering Act na nagbabawal sa paggamit ng AMLC information para sa political persecution. RNT/MDS