Home METRO Dismissal proceedings vs 6 pulis na sangkot sa robbery sa Caloocan, sinimulan...

Dismissal proceedings vs 6 pulis na sangkot sa robbery sa Caloocan, sinimulan ng PNP

1
0

MANILA, Philippines – Iniutos ng Philippine National Police (PNP) ang pagsisimula ng dismissal proceedings laban sa anim na pulis na umano’y sangkot sa panghoholdap sa kapwa pulis at isang negosyante sa Caloocan City.

Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., hiwalay ang administratibong proseso sa nagpapatuloy na kriminal na imbestigasyon upang matiyak na mananagot ang mga pulis sa kanilang umano’y pagkakasangkot.

Kabilang sa anim ang isang Police Major, Police Captain, Police Staff Sergeant, Police Corporal at dalawang Patrolman.

Nauna nang sinabi ng PNP na lima sa mga suspek ay aktibong pulis, habang ang isa ay dati nang sinibak sa serbisyo.

Naaresto na sa follow-up operation ang isang Police Major na nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), habang pinaghahanap pa ang lima pang suspek.

Tinutugis din ng mga awtoridad ang isang sibilyan at dalawang hindi pa nakikilalang indibidwal na may kaugnayan umano sa insidente.

Sinabi ni Nartatez na malaking pagtataksil sa tiwala ng publiko ang pagkakasangkot umano ng mga pulis sa robbery, lalo na’t kapwa nila pulis ang isa sa mga biktima.

Inatasan din niya ang mga kinauukulang yunit na paigtingin ang follow-up operations upang mahuli ang mga natitirang suspek. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here