Home NATIONWIDE Higit $17B deals, investment, inanunsiyo ng White House kasunod ng pagbisita ni...

Higit $17B deals, investment, inanunsiyo ng White House kasunod ng pagbisita ni Trump sa Pilipinas

10
0

MANILA, Philippines – Mahigit $17 bilyon halaga ng mga kasunduang pangkalakalan at pamumuhunan para sa mga kompanyang Amerikano sa Southeast Asia ang inanunsiyo ng White House kasunod ng pagbisita ni US President Donald Trump sa Maynila para sa ASEAN Summit.

Ayon sa White House, inaasahang susuporta ang mga kasunduan sa sampu-sampung libong trabaho sa Estados Unidos.

Nagkasundo rin sina Trump at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na alisin ang trade deficit ng Amerika sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpaparami ng inaangkat ng bansa na produktong enerhiya at agrikultura mula sa US.

Kabilang sa mga kasunduan ang pinal na $12-bilyong bentahan ng Boeing at GE Aerospace sa Philippine Airlines (PAL) para sa hanggang 20 Boeing 787 aircraft na gagamitan ng makina ng GE Aerospace. Tinatayang susuporta ito sa 47,000 trabaho sa US.

Plano rin ng dalawang bansa na ituloy ang mahigit $2-bilyong Foreign Military Financing (FMF) loan package upang makakuha ang Pilipinas ng mahahalagang kakayahan sa depensa at seguridad mula sa mga supplier ng Amerika.

Bukod dito, nangako ang US ng $400 milyon na FMF para palakasin ang kakayahan ng militar ng Pilipinas sa South China Sea, kabilang ang long-range weapons, command and control systems, mahahalagang imprastraktura at multi-domain drones.

Nagkasundo rin ang dalawang bansa na magtulungan sa pagbuo ng sovereign cloud infrastructure ng Pilipinas gamit ang teknolohiyang “Super Intelligence” (SI) ng US. Kabilang dito ang $37-milyong kontrata ng Department of National Defense sa isang kompanyang Amerikano at karagdagang $63-milyong programa para i-modernize ang defense cloud infrastructure ng bansa.

Inanunsiyo rin ng White House ang pagtalakay sa isang intergovernmental agreement para sa civil nuclear technology, na magiging unang kasunduan ng US sa ganitong larangan sa isang Indo-Pacific partner.

Samantala, nag-alok ang US company na Astranis ng connectivity services mula sa satellite nitong AGILA na gawa sa Amerika. Umaabot sa $200 milyon ang halaga ng oportunidad na ito para sa ligtas at independiyenteng komunikasyon ng pamahalaan at publiko.

Kabilang din sa mga inanunsiyong proyekto ang pagtatayo ng Subic Grain ng $40-milyong fuel storage depot sa Subic Bay para suportahan ang operasyon ng militar at mga komersiyal na aktibidad ng US.

Plano ring i-modernize ang Basco Airport sa Batanes upang mapahusay ang access ng US at Pilipinas, disaster response at mga supply chain sa hilagang bahagi ng bansa.

Wala pang pahayag ang Malacañang kaugnay ng mga naturang kasunduan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here