Home NATIONWIDE 2-week financial report ng prosecution, ‘kinatigan’ ng defense witness: Posible pero mahirap

2-week financial report ng prosecution, ‘kinatigan’ ng defense witness: Posible pero mahirap

6
0
(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – Tila kinatigan ng testigo ng defense team ang financial report na iniharap ng prosecution team sa impeachment trial na nagsasabing may P817 milyon na undeclared wealth si Vice President Sara Duterte, nitong Huwebes.

Sa ika-44 impeachment trial, inamin ni dating Anti-Money Laundering Council (AMLC) investigator Reinel dela Fuente  na iniharap ng defense team, na posible ang financial report pero mahirap na makagawa ng kahina-hinalang transaksyon sa loob lamang ng dalawang linggo — gaya ng ginawa ng testigo ng prosekusyon.

Lumabas ang pag-amin sa pagpapatuloy ng paglilitis nitong Huwebes, nang tanungin ni defense counsel Mark Vinluan sidela Fuente kung kaya bang tapusin ang isang “extensive financial investigation” sa loob ng dalawang linggo.

Bago ang tanong na iyon, tinanong muna ni Vinluan si Dela Fuente tungkol sa kanyang credentials at trabaho sa ahensya.

“I would just like to ask very quickly; can you do an extensive financial investigation in two weeks?” tanong ni Vinluan.

“Two weeks? That’s possible, but it’s hard, if we’re being very realistic. Doable, but it’s extremely hard,” sagot ni Dela Fuente.

“Alright, we’ll leave it at that because the other so-called experts said they did it in two weeks only,” tugon ni Vinluan.

Nauna nang sinabi sa Senate Impeachment Court ni prosecution witness at financial forensic analyst Atty. Alexander Cabrera na inihanda niya ang report sa kahina-hinalang transaksyon ni Duterte sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo.

Sa report ni Cabrera, sinabi niyang may mahigit P817 milyon si Duterte na unexplained wealth — mga ari-arian na hindi umano idineklara ng bise presidente sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Noong Oktubre 12, kinuwestyon ni Senator-judge Robin Padilla si Cabrera kung bakit paulit-ulit niyang sinasabing minadali ang kanyang report, gayong napakalaki ng mga alegasyong sakop ng analisis.

Tiniyak ni Cabrera kay Padilla na kaya niyang gumawa ng maayos na report kahit limitado ang oras, at sinabing kahit minamadali ang lahat ng ginagawa ng isang financial analytics company, hindi ibig sabihin na hindi kapani-paniwala ang output nito.

Kinuwestyon naman ni Padilla kung bakit tila nagbago ang tono ni Cabrera: noong una ay sinabi niyang minadali ang report, pero kalaunan ay iginiit niyang maayos itong ginawa.

Sagot ni Cabrera, parehong maaaring totoo ang dalawa.

Mahalaga para sa prosekusyon ang testimonya ni Cabrera, lalo na matapos magdesisyon ang panel na ibasura ang lahat ng paratang laban kay Duterte maliban sa Article II, na tumatalakay sa unexplained wealth at hindi pagdeklara ng mga ari-arian sa kanyang SALN.

Sa isang bahagi ng kanyang testimonya, sinabi ni Cabrera na nagpakita si Duterte ng “unusual banking behavior” noong 2025, kabilang ang isang hapunan sa Ginza Inakaya Tokyo sa Japan na nagkakahalaga ng P200,007.29 noong Marso 19, 2025; dalawang transaksyon sa Nike store sa isang mall sa Davao City na nagkakahalaga ng P93,750.00 at P205,392.00 noong Disyembre 27, 2025; at isa pang transaksyon sa Nike store sa Kuala Lumpur, Malaysia na nagkakahalaga ng P256,882.50.

May dalawa ring transaksyon na naitala sa isang Don Quijote outlet sa Shibuya, isa sa mga pangunahing business at entertainment hotspot ng Tokyo. Ang isa ay nagkakahalaga ng P62,900.95 at ang isa ay P65,877.64, parehong noong Disyembre 8, 2025.

Ang isa pang Don Quijote outlet kung saan nagkaroon ng transaksyon si Duterte ay nasa Naka Ward, Aichi Prefecture. Ang transaksyon, na naganap noong Hulyo 20, 2025, ay nagkakahalaga ng P111,109.24.

Nabatid kalaunan na ang card na ginamit ay pag-aari ng asawa ni Duterte na si Atty. Manases Carpio.

Nang dumating ang turno ng depensa na magharap ng mga testigo, tinawag nila si Atty. Anel Antero upang patotohanan na ang P200,000 na hapunan sa Tokyo ay para sa 11 katao. Sinabi niyang kabilang siya sa mga nag-reimburse kay Carpio.

Gayunman, sa ilalim ng cross-examination, inamin ni Antero na wala siyang patunay na talagang nag-reimburse siya kay Carpio.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here