MANILA, Philippines – Target buksan sa unang linggo ng Disyembre ang mga bagong bahagi ng Cavite-Laguna Expressway (CALAX) at ang koneksiyon nito sa CAVITEX upang mapabilis ang biyahe sa pagitan ng Cavite at Laguna.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, inaasahang mababawasan mula isang oras at kalahati tungong 15 minuto ang biyahe mula Governor’s Drive sa General Trias hanggang Kawit dahil hindi na kailangang dumaan sa Aguinaldo Highway.
Mababawasan din mula mahigit dalawang oras tungong tinatayang 45 minuto ang biyahe sa pagitan ng Cavite at Laguna sa rutang lalabas sa Mamplasan.
“Total game changer ito para sa mga kababayan nating nakatira dito sa Cavite tsaka sa Laguna kasi hindi ka na kailangan dumaan ng Aguinaldo Highway… Can you just imagine yung time, savings sa gasolina, savings sa gastos?” ani Dizon sa inspeksiyon kasama si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Giovanni “Banoy” Lopez.
Ayon kay Lopez, makatutulong din ang mga bagong kalsada upang mabawasan ang trapiko sa Aguinaldo Highway, Governor’s Drive, South Luzon Expressway at Skyway. Magkakaroon din ng direktang koneksiyon ang CAVITEX-CALAX Link o CCLink patungong Makati at Taguig.
Sinabi ni Dizon na umabot na sa 97 porsiyento ang konstruksyon ng proyekto na sinimulan noong 2015. Naantala ito noon dahil sa mga usapin sa right-of-way at orihinal na nakatakdang buksan sa unang quarter ng 2027.
“After this inspection, magrerekomenda kami ni Sec. Banoy na buksan na ito ni Presidente bago mag-Pasko,” ani Dizon.
Tinatayang 30,000 pribadong motorista ang makikinabang sa pagbubukas ng dalawang bagong bahagi ng expressway.
Binigyang-diin naman ni Lopez na makatutulong ang mas maayos na koneksiyon sa kalsada sa ekonomiya ng Cavite at Laguna, na kinaroroonan ng maraming economic zone at pabrika.
Gayunman, kailangan pa ring makipag-ugnayan ang mga pambansang ahensiya sa mga lokal na pamahalaan upang maayos ang daloy ng trapiko sa paligid ng mga labasan ng expressway.
Samantala, naglabas na ang DPWH ng notice of award sa kontratista para sa planong rehabilitasyon ng C5 Road, na unang sasaklaw sa bahagi mula Kalayaan Interchange hanggang Capitol Hills Drive.
Inaasahang susunod sa loob ng isang linggo ang notice to proceed at kontrata, matapos makumpleto ang mga rekisito sa procurement.
Kailangan pa ring makipag-ugnayan ng DPWH sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at tapusin ang traffic management plan bago ang planong pagsisimula ng mga trabaho sa huling linggo ng Nobyembre. RNT/MDS