Home NATIONWIDE PH, Peru at Papua New Guinea nais palawakin kooperasyong pang-ekonomiya

PH, Peru at Papua New Guinea nais palawakin kooperasyong pang-ekonomiya

4
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ng Pilipinas at Peru ang pagbuo ng joint trade commission upang palakasin ang kalakalan at pagtutulungan sa paghahanda laban sa posibleng epekto ng matinding El Niño.

Tinalakay ito sa bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Peruvian President Keiko Fujimori sa sidelines ng 33rd Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting sa Shenzhen, China nitong Huwebes, Nobyembre 19.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), kabilang sa mga pinag-usapan ang nalalapit na pagtatatag ng Philippines-Peru Joint Trade Commission na layong palawakin ang ugnayang pangkalakalan ng dalawang bansa.

Tinalakay rin ang posibleng kooperasyon sa pangangalaga sa kalikasan at disaster risk reduction and management, partikular sa harap ng banta ng matinding El Niño na maaaring makaapekto sa Pilipinas at Peru.

Muling tiniyak ni Marcos ang hangarin ng Pilipinas na palakasin ang matagal nang ugnayan nito sa Peru.

Binati rin ng Pangulo si Fujimori sa pagkakahalal nito at ikinatuwa ang muling pagbubukas ng embahada ng Peru sa Maynila.

Samantala, sa hiwalay na pagpupulong kay Papua New Guinea Prime Minister James Marape, tinalakay ni Marcos ang mga oportunidad para sa pamumuhunan ng mga kumpanyang Pilipino sa pangingisda at imprastraktura ng mga pantalan.

Kasama rin sa pinag-usapan ang pagpapalawak ng kooperasyon sa enerhiya at turismo.

Ayon sa PCO, layunin ng mga posibleng pagtutulungan na palakasin ang food security, mapabuti ang koneksyon sa pagitan ng mga bansa at makalikha ng karagdagang oportunidad para sa mga negosyo at komunidad.

Bahagi ang mga bilateral meeting ng paglahok ni Marcos sa APEC summit upang palawakin ang kalakalan, pamumuhunan at ugnayang pang-ekonomiya ng Pilipinas sa ibang bansa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here