MANILA, Philippines – Umabot sa 584 barangay workers at iba pang residente mula sa tatlong liblib na barangay sa Mati City, Davao Oriental ang tumanggap ng tulong mula kay Senator Christopher “Bong” Go sa kanyang pagbisita nitong Martes, Nobyembre 17.
Personal na nagtungo si Go sa Barangay Cabuaya upang mamahagi ng tulong sa mga benepisyaryo mula sa Barangays Cabuaya, Luban at Lanca, kabilang ang mga barangay health worker, barangay nutrition scholar, barangay tanod at iba pang kawani ng barangay.

Nakatanggap ang mga benepisyaryo ng financial assistance, grocery packs, pagkain, damit, ballpen at mga basketball o volleyball. Namahagi rin ang senador ng karagdagang mga premyo sa raffle gaya ng sapatos, relo, bisikleta at cellphone.
Hinimok ni Go ang mga benepisyaryo na gamitin nang wasto ang natanggap na tulong, partikular para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya at pagkain ng kanilang mga anak sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“Gamita ninyo ni sa tama, para sa inyong pagkaon, para sa inyong mga anak. Lisod kaayo ang panahon karon, mahal ang palitonon. (Gamitin ninyo ito nang tama, para sa inyong pagkain at para sa inyong mga anak. Napakahirap ng panahon ngayon at mahal ang mga bilihin),” aniya.

Ipinahayag din ng senador ang kanyang pasasalamat sa mainit na pagtanggap ng mga residente. Aniya, may personal siyang koneksyon sa Davao Oriental dahil nagmula sa bayan ng Lupon ang kanyang pamilya.
“Muuban ko sa inyo kay para makapasalamat man lang ug makighimamat sa inyo, ug makapasalamat sa inyong suporta. (Sasama ako sa inyo para personal ko kayong makilala, makasama, at mapasalamatan sa inyong suporta),” dagdag pa ni Go.
Binigyang-diin ni Go na mahalagang personal na napupuntahan ng mga opisyal ang kanilang mga nasasakupan, lalo na ang mga nangangailangan ng tulong dahil sa kahirapan, karamdaman at iba pang suliranin.
“Sa tinuod lang, di ko makaagwanta nga maglingkod lang sa among bugnaw nga opisina samtang kamo nanginahanglan og tabang. Mao na adtuon gyud tamo. (Sa totoo lang, hindi ko kayang manatili na lamang sa aming malamig na opisina habang nangangailangan kayo ng tulong. Kaya personal ko talaga kayong pinupuntahan),” sinabi pa ng senador.







