MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang dalawang indibidwal at nakumpiska ang nasa isang kilo ng hinihinalang shabu sa operasyong ikinasa sa Indanan, Sulu nitong Huwebes ng gabi, Nobyembre 19.
Ayon kay Director Bryan Babang, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-9 regional chief, nagkasa ng operasyon ang mga operatiba mula sa PDEA Sulu Provincial Office at mga unit ng Philippine National Police (PNP) bandang 6:30 ng gabi sa Barangay Kajatian.
Kinilala ang mga naarestong inidbidwal na sina alyas “Alsidar”, 29, delivery rider at residente ng Maimbung, Sulu, at alyas “Norudun,” 27, residente ng Kuttong, Talipao, Sulu.
Nakumpiska sa operasyon ang heat-sealed transparent plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 1,000 gramo at nagkakahalaga ng P6.8 milyon.
Narekober din ang isang sky-blue Android mobile phone, national ID, at delivery company ID.
Pinaniniwalaang may dalawang hindi pa natukoy na kasabwat na tumutulong sa mga suspek na nakatakas matapos ang transaksyon at makuha ang bundle ng marked money na ginamit sa operasyon.
Ang mga suspek ay nahaharap sa reklamong paglabag sa Section 5 ng Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nagsasagawa naman ng follow-up operation at imbestigasyon sa dalawang nakatakas na suspek. RNT/JGC