MANILA, Philippines – Nagbalik na sa Pilipinas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama si Unang Ginang Louise Araneta-Marcos matapos dumalo sa ika-33 APEC Economic Leaders’ Meeting sa Shenzhen, China.
Ayon sa Malacañang, nagbukas ang pagdalo ng Pangulo sa summit ng mga oportunidad para sa pamumuhunan at nagpatibay sa mga pakikipagtulungan para suportahan ang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Sa kanyang pagbisita, nakipagpulong si Marcos sa mga lider ng iba’t ibang bansa at mga kinatawan ng malalaking kumpanyang Tsino upang isulong ang kalakalan, makahikayat ng pamumuhunan at makalikha ng trabaho, partikular sa manufacturing, electric vehicles at renewable energy.
Lumipad ang eroplanong PR001 na lulan ang Pangulo at delegasyon mula sa Shenzhen Bao’an International Airport dakong alas-4:13 ng hapon at lumapag sa Maynila bandang alas-6:01 ng gabi.
Bago umalis sa Shenzhen, nagsagawa si Marcos ng Kapihan forum kasama ang mga mamamahayag mula sa Pilipinas. Sinabi niyang sinamantala niya ang pagdalo sa APEC Summit upang makipag-ugnayan sa mga bagong katuwang sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sa sidelines ng summit, nakipagpulong siya kina New Zealand Prime Minister Christopher Luxon, Vietnamese President To Lam, Mexican President Claudia Sheinbaum, Chilean President Jose Antonio Kast, Peruvian President Keiko Fujimori at Papua New Guinea Prime Minister James Marape.
Nakipagpulong din ang Pangulo sa mga kinatawan ng mga kumpanyang Tsino na C&U Group, BYD Company Limited at Ming Yang Smart Energy Group Limited. Kris Jose