Home NATIONWIDE Reklamo vs Sen. Bato, sapat sa porma, nilalaman — Senate panel

Reklamo vs Sen. Bato, sapat sa porma, nilalaman — Senate panel

1
0
Kuha ni Cesar Morales

MANILA, Philippines – Napatunayang sapat sa porma at nilalaman ng Senate Committee on Ethics and Privileges ang reklamong inihain laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng matagal nitong pagliban sa Senado.

Sa abiso ng komite, sinabi nitong pumasa sa mga rekisito sa ilalim ng Section 17 ng mga patakaran nito ang reklamo, kasama ang mga karagdagang dokumentong isinumite ng mga nagrereklamo.

Tinalakay ang usapin sa executive session noong Oktubre 22, 2026, alinsunod sa Section 18 ng Rules of the Senate Committee on Ethics and Privileges.

Inihain ang reklamo noong Pebrero 25, 2026 ng grupong Wag Kang KuCorrupt Movement, na kinatawan nina Barry Gutierrez, Cielo Magno at iba pa.

Una itong itinuring ng komite na hindi kumpleto noong Mayo 4. Gayunman, nagsumite ang mga nagrereklamo ng karagdagang sinumpaang salaysay noong Setyembre 14 na naging batayan upang matugunan ang mga rekisito.

Nagtago si Dela Rosa noong Nobyembre 11, 2025, ilang araw matapos maglabas ang International Criminal Court ng selyadong arrest warrant laban sa kanya kaugnay ng umano’y crimes against humanity sa ilalim ng nakaraang administrasyon.

Muli siyang nagpakita sa Senado noong Mayo 11, 2026, ngunit muling nagtago makalipas ang tatlong araw. Wala na siyang naging pampublikong pagpapakita mula noon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here