MANILA, Philippines – Kung nais talagang gawing digital ang mga sistema sa pamahalaan, dapat itong magsimula sa pagtanggap ng mga authenticated na digital version ng mga government Identification Card (ID) sa mga transaksyon.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Erwin Tulfo matapos niyang ihain ang Senate Bill No. 2590 o ang “Government-Issued Digital Identification Acceptance Act.”
Inaatasan nito ang lahat ng ahensya ng pambansang pamahalaan, local government units (LGUs), government-owned or controlled corporations (GOCCs), at government financial institutions (GFIs) na tanggapin ang mga authenticated na digital version ng mga valid government-issued ID bilang sapat na katibayan ng pagkakakilanlan.
Ayon kay Tulfo, napapanahon ang panukalang batas na ito bilang tugon sa paulit-ulit na reklamo ng mga Pilipino sa social media na hindi sila nakakakuha ng serbisyo mula sa gobyerno o hindi natatapos ang kanilang mga transaksyon dahil hindi tinatanggap ang kanilang mga digital ID.
“Hinihikayat ng gobyerno ang mga Pilipino na gumawa ng mga egov.ph account kung saan nakalagay ang kanilang mga ID, pero bakit hindi ito tinatanggap sa mga transaksyon?” tanong ng chairperson ng Senate Panel on Social Justice, Welfare and Rural Development.
“Bagama’t may mga ahensya nang gumagawa nito, kailangan nating tiyakin na kikilalanin ng lahat ng transaksyon sa gobyerno ang mga digital valid ID. Kailangan nating sumabay sa mga makabagong teknolohiya at hindi magpapigil sa mga paraang nakasanayan lang,” dagdag niya.
Sa ilalim ng panukala ni Tulfo, ang mga nabanggit na ahensya at tanggapan ng gobyerno ay dapat magpatupad ng mga makatwirang proseso para sa authentication at verification ng digital identification. Sakaling hindi gumana ang electronic verification system na gagamitin, kinakailangang gumamit ng iba pang makatwirang paraan ng beripikasyon.
Nililinaw rin ng panukalang batas na hindi nito nililimitahan ang mga Pilipinong nais pa ring magpakita ng kanilang physical ID card bilang patunay ng kanilang pagkakakilanlan.
Pinapayagan din nito ang mga ahensya na humingi ng karagdagang hakbang sa beripikasyon kung kinakailangan upang maiwasan ang panloloko (fraud), identity theft, o hindi awtorisadong paggamit ng ID.
Kapag naisabatas, pananagutin ang sinumang opisyal o empleyado ng gobyerno na mapatutunayang tumangging kilalanin ang isang authenticated na digital valid ID nang walang sapat na dahilan.
“Totoong nararanasan ng mga Pilipino yung kumplikadong transaksyon sa gobyerno na kadalasang nagreresulta sa ayaw na lang nilang tumuloy sa pagkuha ng serbisyo. Deserve ng lahat ng Pilipino ang mabilis na transaksyon na sumasabay sa makabagong panahon,” pagtatapos ni Tulfo. Ernie Reyes