MANILA, Philippines – Inamin ng aktres na si Kim Chiu na natatakot siya para sa sariling kaligtasan at kinailangan pang sumailalim sa therapy upang makayanan ang emosyonal na epekto ng kasong kinakaharap niya laban sa nakatatandang kapatid na si Lakambini “Lakam” Chiu.
Sa kanyang YouTube vlog na inilabas noong Linggo, Nobyembre 22, ibinahagi ni Kim ang mga pinagdaraanan niya sa gitna ng kontrobersiya at legal na laban sa kanyang kapatid.
Inamin niyang hindi naging madali ang mga nagdaang buwan kaya pansamantala siyang lumayo sa trabaho at karamihan ng oras ay nananatili lamang sa bahay.
“I’m doing therapy sessions. Nag-seek na ako ng medical help kasi hindi ko na kaya,” ani Kim.
Ibinahagi rin niya ang kanyang pangamba sa sariling kaligtasan.
“Lagi lang ako nandito sa bahay kasi I’m really scared for my life. Takot talaga ako, and ayoko talaga magsalita sa mga nangyayari ngayon,” dagdag ng aktres.
Ipinaliwanag din ni Kim na ang kasong isinampa niya laban kay Lakam ay may kinalaman sa pondo ng kanilang kompanyang House of Little Bunny Philippines Inc. at hindi sa kanyang personal na pera.
Ayon sa aktres, sumasaklaw ang 124 counts ng qualified theft sa mga transaksyon mula Enero hanggang Hulyo 2025.
Nagpasalamat din siya sa mga kapatid na sina Twinkle at John Paul, gayundin sa asawa ni Twinkle, sa pagtulong na maisulong ang kaso.
Kinunan ang vlog noong Setyembre 24, araw ng unang pagdinig sa kaso sa Quezon City Regional Trial Court Branch 84, kung saan personal na dumalo si Kim.
Samantala, nakapagpiyansa na si Lakam ng P5.6 milyon matapos siyang umamin na hindi nagkasala sa arraignment na isinagawa sa pamamagitan ng video conference.
Sa kabila ng pinagdaraanan, tiniyak ni Kim sa kanyang mga tagasuporta na ginagawa niya ang lahat upang makabangon at umaasa siyang makababalik din sa dati niyang mga gawain. RNT