Home NATIONWIDE 2,517 guro sa Maynila binigyan ng MacBook

2,517 guro sa Maynila binigyan ng MacBook

1
0

MANILA, Philippines – PINAGTIBAY ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang kanyang paninindigan sa pagpapalakas ng edukasyon matapos ipamahagi ang 2,517 MacBook laptops sa mga guro ng pampublikong paaralan sa Maynila.

Pinuri ni Education Secretary Sonny Angara si Domagoso bilang isa sa mga bihirang lider na hindi lamang nangangako kundi aktuwal na tumutupad sa mga programa para sa edukasyon.

Sa turnover ceremony na ginanap sa San Andres Sports Complex nitong Nobyembre 23, iginiit ni Angara na maraming patunay sa mga ginagawa ng alkalde para sa sektor ng edukasyon.

“Pero iilan lang ho talaga ang pinuno na pinatotohanan ang kanilang salita. ‘Yan po si Mayor Isko Moreno,” pahayag ni Angara.

Binigyang-diin ng kalihim na nakita niya mismo ang adhikain ni Domagoso nang bumisita sa Dr. Alejandro Albert Elementary School, kung saan layunin ng pamahalaang lungsod na maibigay sa mga pampublikong paaralan ang mga pasilidad at kagamitan na mayroon sa mga pribadong paaralan, at higit pa.

Ayon kay Angara, ang bawat pisong inilalagak sa edukasyon ay hindi lamang simpleng gastos kundi isang pamumuhunan na paulit-ulit na magbubunga para sa susunod na mga taon.

“’Yung piso na ginastos para sa isang eskwelahan, ang balik noon hindi piso. Ang balik noon limang piso, sampung piso, kasi every year it will keep on giving,” aniya.

Nagpasalamat naman si Domagoso sa DepEd sa tulong at suporta nito sa mga guro ng Maynila, at nagpahayag ng pag-asang mabibigyan din ng MacBook ang lahat ng tinatayang 11,000 public school teachers sa lungsod.

“Kung pwede sa DepEd, pwede sa Maynila,” pahayag ng alkalde.

Binigyang-diin ni Domagoso na personal niyang naranasan ang kahalagahan ng pampublikong edukasyon dahil dito siya nagmula at naging produkto ng sistema.

“I’m a product of the public education system,” aniya, sabay pangakong patuloy niyang poprotektahan at paglalaanan ng pondo ang edukasyon sa Maynila.

Kasama ang edukasyon sa apat na Minimum Basic Needs na prayoridad ng administrasyong Domagoso, katabi ng pabahay, kalusugan at trabaho.

Sa pamamahagi ng mga laptop, inaasahang mas mapapalakas ang digital learning, paghahanda ng mga lesson, at iba pang gawaing pang-akademiko ng mga guro habang patuloy na isinusulong ng Maynila ang mas modernong sistema ng pampublikong edukasyon. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here