Home NATIONWIDE Mas mahigpit na koordinasyon sa pag-aangkat ng agri products ipinag-utos ng DA...

Mas mahigpit na koordinasyon sa pag-aangkat ng agri products ipinag-utos ng DA chief

20
0

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. sa Bureau of Plant Industry (BPI) at iba pang ahensya ng Department of Agriculture (DA) na higpitan ang koordinasyon sa mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaan, palakasin ang pagbabantay, at tiyakin ang mahigpit na pagsunod sa mga patakaran kaugnay ng mga permit sa pag-aangkat ng produktong agrikultural.

Kaugnay nito ayon sa Department of Agriculture layunin ng direktiba na matugunan ang mga kakulangan sa proseso ng pamahalaan, linawin ang mga responsibilidad ng bawat ahensya, at maiwasan ang mga pagkaantala o pagkukulang sa pag-isyu at pagsubaybay sa mga import permit, partikular sa pagsunod sa itinakdang mga deadline at kinakailangang dokumento.

Ayon kay Tiu Laurel, mahalaga ang mas maayos na sistema ng regulasyon at koordinasyon upang matiyak na nasusuring mabuti ang mga desisyon tungkol sa pag-aangkat ng produktong agrikultural, maayos na naipatutupad ang mga ito, at may malinaw na mekanismo sa pananagutan.

“Kailangan nating magtulungan ang mga ahensya ng pamahalaan bilang iisang grupo, na may malinaw na responsibilidad at maaasahang sistema ng pagsubaybay. Mahalaga ito upang mapangalagaan ang integridad ng ating proseso sa pag-aangkat at matiyak na ang mga desisyon ay napapanahon, malinaw, at may pananagutan,” anang kalihim.

Kasunod ang kautusang ito ng mga obserbasyong inilahad ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan hinggil sa koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan, partikular sa pag-isyu at pagsubaybay sa mga import permit, gayundin sa pagpapatupad ng mga itinakdang deadline at requirements.

Malugod namang tinanggap ng DA ang mga rekomendasyon ng senador at inilarawan ang mga ito bilang makabuluhang mungkahi na makatutulong upang matukoy ang mga kahinaan sa mga institusyon at mapabuti ang pagpapatupad ng mga patakaran sa kalakalan ng produktong agrikultural.

Kaugnay nito binigyang-diin ni Tiu Laurel na ang pananagutan ay dapat nakabatay sa patas at masusing pagsusuri sa mga katotohanan na aniya, ang mga desisyon tungkol sa pag-aangkat ng produktong agrikultural ay kadalasang nangangailangan ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, pagsunod sa mga regulasyon, at pagsasaalang-alang sa magkakaibang interes ng mga sektor. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here