Home HOME BANNER STORY P3 tapyas kada litro sa gas; P2.60 sa diesel, umarangkada na

P3 tapyas kada litro sa gas; P2.60 sa diesel, umarangkada na

1
0

MANILA, Philippines – Muling bababa ang presyo ng mga produktong petrolyo simula alas-6 ng umaga nitong Martes, Nobyembre 24, kasunod ng panibagong rollback na inanunsyo ng mga kumpanya ng langis.

Batay sa price adjustments, mababawasan ng ₱3 kada litro ang gasolina, ₱2.60 ang diesel at ₱1.60 ang kerosene.

Kabilang sa mga kumpanyang nag-anunsyo ng bawas-presyo ang Petron, Shell, Seaoil, Petro Gazz at Unioil. Hindi naman nagbebenta ng kerosene ang Petro Gazz at Unioil.

Ito na ang ikatlong sunod na linggong rollback sa presyo ng tatlong produktong petrolyo.

Ipinaliwanag ng Department of Energy (DOE) na dulot ito ng pagbuti ng suplay ng langis sa pandaigdigang merkado, pagtaas ng produksiyon ng mga bansang kabilang at hindi kabilang sa Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC+), at paghina ng inaasahang demand.

Nakatulong din umano ang pagluwag ng tensiyong geopolitical at posibilidad ng diplomatikong pagresolba sa sigalot ng Estados Unidos at Iran sa pagbaba ng presyo ng krudo.

Samantala, umabot na sa 259 gasolinahan ang pinadalhan ng DOE ng show-cause orders dahil sa umano’y hindi pagsunod sa itinakdang price adjustments.

Ayon sa DOE, maaaring masuspinde ang Certificate of Compliance (COC) ng mga mapatutunayang lumabag. Ang mga lokal na pamahalaan naman ang magpapasya kung ipasasara ang mga estasyong mawawalan ng kaukulang sertipikasyon. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here