MANILA, Philippines – Hiniling ng Filipino Nurses United sa pamahalaan ng Pilipinas na makipag-ugnayan sa United States upang linawin ang panukalang pagbabago sa proseso ng pagkuha ng permanent residency o green card ng mga dayuhang nurse at physical therapist.
Sa panayam radyo, sinabi ni Filipino Nurses United President Jocelyn Andamo na dapat alamin ng pamahalaan ang estado ng panukala at ang posibleng epekto nito sa mga Pilipinong healthcare worker na naghahangad magtrabaho at manirahan sa US.
Ang tinutukoy na pagbabago ay ang panukalang alisin ng US Department of Labor (DOL) ang tinatawag na Schedule A exemption sa Permanent Labor Certification (PERM) program.
Sa kasalukuyang patakaran, hindi na kailangang dumaan sa karaniwang labor market recruitment process ang mga employer na nag-iisponsor ng professional nurses at physical therapists para sa permanent employment sa US.
Kapag naipatupad ang panukala, kakailanganing dumaan ang mga employer sa buong PERM process, kabilang ang recruitment ng mga kwalipikadong manggagawang Amerikano bago makapagpetisyon para sa permanent residency ng kanilang dayuhang empleyado.
Iminungkahi rin ng DOL na panatilihing aktibo nang hindi bababa sa 90 araw ang mga job advertisement upang magkaroon ng mas mahabang panahon ang mga manggagawang Amerikano na mag-aplay sa mga bakanteng posisyon.
Ayon sa US agency, layunin ng pagbabago na matiyak na mabibigyan muna ng pagkakataon ang mga kwalipikadong American worker bago kumuha ng dayuhang manggagawa.
Binigyang-diin ni Andamo na panukala pa lamang ito at hindi pa ipinapatupad. Aniya, hindi dapat mawalan ng pagkakataon ang mga Filipino nurse na magtrabaho sa ibang bansa kung nais nilang samantalahin ang mga oportunidad doon.
Sinabi ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na hindi pa niya alam ang tungkol sa panukala ngunit nangakong poprotektahan ang interes ng mga Pilipino.
Inilathala ang panukala sa Federal Register noong Nobyembre 17, 2026. Tumatanggap pa ang US Department of Labor ng mga komento mula sa publiko hanggang Enero 19, 2027 bago magpasya sa pinal na regulasyon. Dave Medina