MANILA, Philippines – Naniniwala ang National Bureau of Investigation (NBI) na nasa Pilipinas pa rin ang gambling tycoon na si Charlie “Atong” Ang, na nahaharap sa kaso kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, malakas ang indikasyon na hindi pa nakalalabas ng bansa si Ang.
“I have a strong belief and there’s a strong indication na nandito siya sa Pilipinas,” ani Matibag sa panayam nitong Martes.
Inihayag niya ito matapos kumpirmahin ng Department of Justice (DOJ) na naglabas ang Manila Regional Trial Court ng warrant of arrest laban kay Ang at sa dati nitong kasamang pulis na si Ryan Jay Orapa.
Dagdag ito sa mga arrest warrant na inilabas ng mga korte sa Laguna at Batangas noong Enero.
Ayon kay Matibag, patuloy ang surveillance ng NBI upang matukoy ang kinaroroonan ng gambling tycoon. Aniya, isa sa kanyang mga hiling ngayong Pasko ang mahuli na si Ang.
“Sana dumating yung Pasko sa akin ng mas maaga,” pahayag niya.
Noong Oktubre, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nakalabas na ng bansa si Ang sa pamamagitan ng “backdoor.” Gayunman, iginiit ni Justice Secretary Fredderick Vida na batay sa immigration records, nasa Pilipinas pa rin ang gambling tycoon.
Nananatiling pugante si Ang mula nang maglabas ng mga arrest warrant ang mga korte sa Laguna at Batangas noong Enero.
Kabilang sa mga kasong kinakaharap niya ang 15 bilang ng kidnapping at serious illegal detention at apat na bilang ng kidnapping with homicide. May kaugnayan ang mga ito sa umano’y pagdukot at pagpatay sa hindi bababa sa 34 na sabungero noong 2021 hanggang 2022, na pinaghihinalaang nandaya sa mga larong sabong na iniuugnay kay Ang. RNT/MDS