Home NATIONWIDE 139 puganteng Indonesian nat’l, pinadeport na ng BI

139 puganteng Indonesian nat’l, pinadeport na ng BI

1
0

MANILA, Philippines – Ipinatapon ng Bureau of Immigration (BI) pabalik ng kanilang bansa ang 139 Indonesian nationals na kinabibilangan ng 111 lalaki at 28 babae sa pamamagitan ng chartered flight mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong Nobyembre 24.

Ayon sa BI, ang mga deportee ay dating nasa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) matapos matukoy ng mga awtoridad ng Indonesia na mga pugante ang mga ito.

Itinuring silang undesirable aliens o mga dayuhang hindi kanais-nais manatili sa Pilipinas dahil sa banta umano sa pambansang seguridad at kapakanan ng publiko.

Noong Nobyembre 19, naglabas ang BI Board of Commissioners ng Summary Deportation Order na nag-aatas sa agarang pagpapaalis sa 139 Indonesian nationals.

Ipinatupad ang deportation order nitong Nobyembre 24 sa pamamagitan ng koordinasyon ng BI, PNP Aviation Security Group (PNP-AVSEG) at Embahada ng Indonesia.

Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado na paiigtingin pa ng ahensya ang kampanya laban sa mga dayuhang pugante at iba pang hindi kanais-nais na dayuhan sa bansa.

Ayon kay Viado, patuloy na kikilos ang BI upang mabilis na mapauwi ang mga dayuhang pugante bilang bahagi ng pagpapanatili ng seguridad at proteksyon sa interes ng publiko.

Isinasagawa ang hakbang alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang pagpapatupad ng mga batas pang-imigrasyon at pangalagaan ang seguridad ng bansa. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here