Home NATIONWIDE Alex Eala, malugod na tinanggap ni PBBM sa kaniyang pagbabalik bansa

Alex Eala, malugod na tinanggap ni PBBM sa kaniyang pagbabalik bansa

1
0

MANILA, Philippines – Malugod na tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si tennis star Alex Eala sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas nitong Martes, Nobyembre 24, kasunod ng makasaysayang pag-angat nito sa ika-15 puwesto sa Women’s Tennis Association (WTA) rankings.

Kasama si Education Secretary Sonny Angara, nakibahagi ang Pangulo sa isang seremonyal na palitan ng bola kasama si Eala sa Eusebio Gymnasium ng Pasig Central Elementary School bilang pagdiriwang sa mga tagumpay ng atleta sa pandaigdigang larangan ng tennis.

Inilarawan ni Marcos si Eala bilang karangalan ng bansa at inspirasyon sa mga kabataang Pilipino.

“Malugod nating tinatanggap ang ating kampeon na si Alex Eala, na nagdala ng karangalan at dangal sa Pilipinas saanman siya magpunta,” pahayag ng Pangulo.

Binigyang-diin din niya na hindi lamang ipinagmamalaki ni Eala ang Pilipinas kundi ipinapaalala rin nito sa mga Pilipino na ipagmalaki ang kanilang pagiging Pinoy.

“Hindi lamang kami ang ipinagmamalaki mo. Ipinaaalala mo rin sa mga Pilipino na dapat nilang ipagmalaki ang pagiging Pinoy,” aniya.

Dumalo rin sa homecoming celebration sina Olympic gold medalist Hidilyn Diaz at pole vaulter EJ Obiena.

Samantala, sinabi ni Eala na ang malalaki niyang pangarap ang patuloy na nagbibigay sa kanya ng motibasyon upang magsikap at maabot ang kahusayan.

“Napakalaki ng aking mga pangarap noon pa man hanggang ngayon. Iyon ang nagbibigay sa akin ng motibasyon. Ang aking mga pangarap talaga ang nagsisilbing inspirasyon sa akin,” pahayag niya.

Nagpasalamat din siya sa kanyang pamilya sa walang sawang pagmamahal at suporta na nagsilbing matibay na pundasyon sa kanyang paglalakbay tungo sa tagumpay.

Naging tampok si Eala sa pandaigdigang tennis ngayong taon matapos makuha ang una niyang WTA singles title sa Washington, D.C. at makapasok sa top 20 ng mga manlalaro sa buong mundo.

Nagtapos din siya bilang runner-up sa Hong Kong Open at nakapasok sa semifinals ng mga torneo sa Berlin at Auckland.

Sa Wimbledon, gumawa siya ng kasaysayan bilang kauna-unahang Pilipinang manlalaro sa Open Era na nakapasok sa fourth round ng isang Grand Slam tournament.

Pinaalalahanan naman ni Marcos si Eala na pangalagaan ang kanyang katawan at iwasan ang mga injury upang hindi makaapekto ang mga ito sa kanyang kalusugan at karera.

Iginiit din ng Pangulo na mahalaga ang mga aral na natututuhan sa sports, kabilang ang disiplina, pakikipagkaibigan at pagiging magalang sa mga kalaban.

Hinikayat naman ni Angara ang mga kabataan na tularan si Eala, na aniya ay nagsisikap hindi lamang sa tennis kundi maging sa pag-aaral. Nagtapos umano ang atleta sa pamamagitan ng homeschooling sa kabila ng mga hinihingi ng kanyang professional career.

Binigyang-diin ni Angara na mahalagang makatapos ng pag-aaral ang mga atleta upang maging handa rin sila sa buhay matapos ang kanilang karera sa sports.

Bilang pagkilala sa kanyang mga tagumpay at ambag sa palakasan ng bansa, iginawad ng Department of Education (DepEd) at MILO Philippines kay Eala ang Gawad Sulo ng Simula at Tagumpay. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here