MANILA, Philippines – Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang pinagsamang habeas corpus petitions na kumukuwestiyon sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Japar B. Dimaampao, nagpasya ang SC En Banc na moot na o wala nang saysay ang mga petisyon dahil nasa kustodiya na ng International Criminal Court (ICC) si Duterte sa The Hague, Netherlands.
Pumabor sa pagbasura ang siyam na mahistrado, habang apat ang tumutol. Hindi nakibahagi si Associate Justice Samuel H. Gaerlan dahil nasa official business.
Ipinaliwanag ng Korte na ang writ of habeas corpus ay isang domestic remedy na maipatutupad lamang sa loob ng Pilipinas.
Dahil wala na sa bansa si Duterte at nasa kustodiya na ng ICC, wala nang kapangyarihan ang mga korte sa Pilipinas na utusan ang pagpapalaya sa kaniya o ipaharap siya sa korte.
Dagdag pa ng SC, natapos na ang pag-aresto at paglilipat kay Duterte, at wala na siyang kustodiya ng mga opisyal ng Pilipinas na maaaring obligahing sumunod sa writ.
Gayunman, nilinaw ng Korte na hindi nangangahulugan ang pagbasura sa mga petisyon na naging legal ang pag-aresto kay Duterte o walang nalabag na karapatan sa proseso.
Ang desisyon ay tumutukoy lamang sa kung maaari pang ipatupad ang writ of habeas corpus sa kasalukuyan. Ang anumang alegasyon ng paglabag sa karapatan at pananagutan ay maaari pang idulog sa iba pang kaukulang kaso.
Hindi rin saklaw ng desisyon ang nakabinbing kaso na G.R. No. 278747, na kumukuwestiyon sa pakikipagtulungan ng pamahalaan sa ICC. Jocelyn Tabangcura-Domenden