MANILA, Philippines – Itataas ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ng 20% ang hospital benefit coverage ng mga regular na nagbabayad ng kontribusyon at kanilang mga kwalipikadong dependent simula Enero 1, 2027.
Bahagi ito ng bagong incentive program na tinawag na PhilHealth Tapat, na naglalayong bigyan ng karagdagang benepisyo ang mga miyembrong patuloy at regular na naghuhulog ng kanilang kontribusyon.
Sa ilalim ng programa, madadagdagan ng 20% ang first case rate na sasagutin ng PhilHealth sa bawat hospital admission ng mga kwalipikadong direct contributor.
Halimbawa, ang kasalukuyang case rate para sa moderate pneumonia ay P29,250. Sa ilalim ng bagong insentibo, madaragdagan ito ng P5,850 kaya magiging P35,100 ang kabuuang coverage ng PhilHealth para sa naturang kondisyon.
Saklaw ng programa ang mga empleyado, self-employed, propesyonal, migrant workers at mga kwalipikadong dayuhang miyembro, gayundin ang kanilang mga dependent.
Ayon kay Dr. Josephe Anthony Lachica, PhilHealth Vice President for Member Management Group, hindi nakabatay sa halaga ng kontribusyon ang pagiging kwalipikado sa karagdagang benepisyo kundi sa pagiging regular ng pagbabayad nito.
Kailangang nakapaghulog ang miyembro ng hindi bababa sa 15 buwanang kontribusyon sa loob ng 18 buwan bago ang kanyang pagkakaospital upang makakuha ng karagdagang 20% coverage.
Halimbawa, kung maa-admit sa ospital ang isang miyembro sa Disyembre 2026, dapat mayroon siyang hindi bababa sa 15 buwang kontribusyon mula Hunyo 2025 hanggang Disyembre 2026.
Nilinaw naman ni PhilHealth Spokesperson Dr. Alfred Philip De Dios na hindi mababawasan o maaapektuhan ang kasalukuyang benepisyo ng mga indirect contributor o miyembrong ang kontribusyon ay binabayaran o sinasagot ng pamahalaan.
Aniya, ang karagdagang 20% ay insentibo lamang para sa direct contributors at mananatiling pareho ang batayang benepisyo ng lahat ng miyembro.
Tiniyak din ng ahensiya na hindi makaaapekto sa pinansiyal na katatagan ng PhilHealth ang programa dahil hindi lahat ng miyembro ay kwalipikadong makatanggap ng dagdag na coverage.
Gayunman, hindi kabilang sa 20% increase ang Z Benefits, special outpatient at standalone benefits, mga procedure na nangangailangan ng maraming session, rationalized case rates, at mga primary care package gaya ng YAKAP at GAMOT.
Ayon sa PhilHealth, magkakaiba ang disenyo at sistema ng pagbabayad para sa mga naturang benepisyo kaya hindi sila saklaw ng bagong insentibo.
Maaaring tingnan ng mga miyembro ang kanilang contribution records, kabilang ang listahan at halaga ng mga naihulog, sa pamamagitan ng eGov app.
Magkakabisa ang PhilHealth Tapat sa Enero 1, 2027 at muling susuriin matapos ang isang taon ng implementasyon. RNT/JGC