Home LIFESTYLE HEALTH Pilipinas, kulang ng 67,000 kama para sa mga drug-dependent na nangangailangan ng...

Pilipinas, kulang ng 67,000 kama para sa mga drug-dependent na nangangailangan ng gamutan – DOH

15
0

MANILA, Philippines – Tinatayang 67,000 pang kama ang kailangan ng Pilipinas sa mga pasilidad para sa paggamot ng mga taong may malubhang pagdepende sa ilegal na droga, ayon sa Department of Health (DOH).

Inihayag ito ni Health Undersecretary Albert Domingo sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs nitong Martes, Nobyembre 25.

Batay sa 2023 Dangerous Drugs Board Household Drug Survey, tinatayang 1.48 milyon ang gumagamit ng droga sa bansa.

Sa bilang na ito, nasa 1 hanggang 5 porsiyento o katumbas ng 14,791 hanggang 73,857 indibidwal ang may malubhang pagdepende sa droga at nangangailangan ng inpatient treatment.

Samantala, nasa 6 hanggang 10 porsiyento ang may katamtamang antas ng pagdepende, habang 85 porsiyento naman ang may banayad na kaso. Maaari namang gamutin sa labas ng rehabilitation centers ang mga nasa moderate at mild categories.

Ayon sa DOH, mayroon lamang 86 drug abuse treatment and rehabilitation centers o DATRCs sa buong bansa, na may kabuuang awtorisadong kapasidad na 6,709 kama. Marami sa mga pasilidad na ito ay pribadong pag-aari.

Tatlong rehiyon naman ang wala pang DATRC, kabilang ang Negros Island Region, Bangsamoro Region at MIMAROPA.

Suportado ng DOH at Dangerous Drugs Board ang pagtatayo ng karagdagang rehabilitation centers, ngunit iginiit na kailangan din ng tuloy-tuloy na pondo para sa operasyon at maintenance ng mga pasilidad.

Ayon kay Domingo, dapat ding magsilbing sentro ng community-based drug rehabilitation ang mga DATRC, kung saan maaaring tumanggap ng mga inpatient habang patuloy na pinapalakas ang primary care services.

Iminungkahi rin ng DOH na alisin ang mga hadlang sa boluntaryong pagpapagamot, gawing bahagi ng mga institusyon ang community-based rehabilitation programs, at magtatag ng pangmatagalang pondo at tuloy-tuloy na pangangalaga sa mga pasyente.

Tinalakay ng House panel ang mga panukalang batas na nag-aatas sa pagtatayo ng mga rehabilitation center para sa mga gumagamit ng droga sa iba’t ibang probinsiya at munisipalidad, gayundin ang paglalaan ng pondo para sa mga ito. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here