MANILA, Philippines – Isang ama na nangungupahan kasama ang kanyang mga anak ang nag-uwi ng mahigit ₱21.6 milyong jackpot matapos tumama ang kanyang Lucky Pick ticket sa Lotto 6/42 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon sa PCSO, napanalunan ng lalaki ang ₱21,694,699.03 sa draw noong Oktubre 29, 2026, matapos makuha ang winning combination na 34-15-19-37-25-38.
Personal niyang kinubra ang premyo noong Nobyembre 3 sa pangunahing tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City.
Batay sa salaysay na ibinahagi ng ahensya, 20 taon nang tumataya sa lotto ang ama, na bukod sa paggamit ng kanyang mga paboritong numero ay sumusubok din sa Lucky Pick, kung saan makina ang pumipili ng kombinasyon.
Hindi niya agad nalaman na nanalo siya matapos ang draw.
Kinabukasan, bumalik ang lalaki sa lotto outlet upang muling tumaya nang mapansin niya ang nakapaskil na winning numbers.
Dito niya napagtantong tumama ang kanyang tiket, dahilan upang manginig umano ang kanyang mga tuhod sa sobrang pagkabigla.
Ayon sa PCSO, plano ng ama na gamitin ang napanalunang milyon upang matiyak ang magandang kinabukasan ng kanyang pamilya at makapagsimula ng pinapangarap na negosyo.
Hindi ibinunyag ang pagkakakilanlan ng nanalo para sa kanyang seguridad. RNT