MANILA, Philippines – Matapos ang 12 taong paghihintay at mahabang laban sa korte, natanggap na ng isang mananaya mula sa Batangas ang kanyang ₱12.39 milyong jackpot prize sa Lotto 6/42 kahit bahagyang nasunog sa plantsa ang kanyang winning ticket.
Personal na iniabot ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Melquiades Robles ang tseke kay Antonio Mendoza nitong Miyerkules, Nobyembre 25, 2026, kasunod ng desisyon ng Supreme Court (SC) at pag-apruba ng Commission on Audit (COA) sa pagbabayad.
Oktubre 2, 2014 pa nang manalo si Mendoza ng ₱12,391,600 matapos tumama ang isa sa kanyang tatlong Lucky Pick combinations sa Lotto 6/42.
Gayunman, nalukot ng kanyang apo ang winning ticket. Tinangka itong unatin ng kanyang anak gamit ang plantsa ngunit bahagyang nasunog at nangitim ang tiket.
Dahil dito, tumanggi ang PCSO na ibigay ang premyo dahil hindi na mabasa nang buo ang mga numerong nakalagay rito.
Hindi sumuko si Mendoza at dinala ang usapin sa korte noong 2015.
Pumabor sa kanya ang Regional Trial Court sa Balayan, Batangas noong 2019, na kalaunan ay pinagtibay ng Court of Appeals noong 2020.
Noong Marso 13, 2023, ibinasura ng Korte Suprema ang apela ng PCSO at kinilalang may sapat na ebidensiyang nagpapatunay na si Mendoza ang tunay na nanalo.
Ayon sa SC, hindi lamang ang pisikal na kondisyon ng tiket ang dapat maging batayan sa pagbibigay ng premyo, kundi ang pagkakapili ng tamang winning combination na maaaring patunayan sa pamamagitan ng iba pang ebidensiya.
Iniutos din ng Korte ang pagbabayad ng anim na porsiyentong taunang legal interest mula sa pagiging pinal ng desisyon hanggang sa ganap na pagbabayad.
Naging pinal ang desisyon noong Abril 3, 2024, bago sumailalim ang claim sa mga kinakailangang proseso ng COA at PCSO.
Ayon kay Mendoza, malaking tulong ang natanggap na premyo upang mabayaran ang mga pagkakautang ng kanyang pamilya at makapagsimula ng sariling negosyo. RNT