MANILA, Philippines – Hinimok ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer na ibigay nang mas maaga ang 13th month pay ng kanilang mga manggagawa upang mapakinabangan ito bago ang Christmas rush.
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino nitong Miyerkules, Nobyembre 25, bagama’t hanggang Disyembre 24 ang itinakdang deadline sa pagbabayad, mas makabubuting maibigay na ang benepisyo habang maaga pa.
Binigyang-diin ng kalihim na karapatan ng mga manggagawa ang makatanggap ng 13th month pay at obligasyon naman ng mga employer na ibigay ito.
Nagpasalamat din si Tolentino sa mga kumpanyang nakapagbigay na ng benepisyo sa kanilang mga empleyado.
Samantala, sinabi ni Employers Confederation of the Philippines (ECOP) president Sergio Ortiz-Luis Jr. na marami sa kanilang mga miyembro ang nakapagbigay na ng 13th month pay.
Gayunman, inamin niyang maaaring mas mahirapan ang ilang microenterprise na maglabas ng naturang benepisyo dahil sa kanilang limitadong kakayahang pinansyal.
Sa ilalim ng Labor Advisory No. 21, Series of 2026, lahat ng rank-and-file employee sa pribadong sektor na nakapagtrabaho nang hindi bababa sa isang buwan sa loob ng taon ay may karapatang makatanggap ng 13th month pay.
Saklaw nito ang mga empleyado anuman ang kanilang employment status o paraan ng pagtanggap ng sahod, gayundin ang mga nagbitiw o natanggal sa trabaho na may karapatan sa proporsiyonal na benepisyo.
Ang minimum na 13th month pay ay katumbas ng isang-ikalabindalawa ng kabuuang basic salary na kinita ng manggagawa sa loob ng taon.
Nilinaw din ng DOLE na walang pahihintulutang exemption o pagpapaliban sa pagbabayad ng 13th month pay.
Inaatasan din ang mga employer na magsumite ng compliance report sa DOLE Online Compliance Portal hanggang Enero 15, 2027.
Samantala, maaaring tumawag ang mga manggagawang may reklamo tungkol sa kanilang 13th month pay sa DOLE hotline 1530 upang humingi ng tulong.
Pinayuhan din ni Tolentino ang mga empleyado na gamitin nang maayos ang kanilang matatanggap na benepisyo para sa pangangailangan ng kanilang pamilya. RNT